Naninindigan si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na nararapat lamang na malaman ng taumbayan ang mga kawani ng pamahalaan na sangkot sa katiwalian at iligal na droga.
Kasunod ito sa “move on” post ng asawa ni dating Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog kung saan mariing sinabi ng Pangulo na wala sa kaniyang bokabularyo ang mag-“move on”, mas mahalaga umano sa kaniya ang pamalagiang pagmamatyag.
Naniniwala ang Chief Executive na mayroon siyang obligasyon sa bawat Pilipino na isiwalat ang mga nasa gobyerno na dawit sa mga iregularidad at iligal na droga. Ito ay upang mabalaan ang taumbayan hinggil sa kanilang iniluluklok sa posisyon at mapigilan ang mga ito na muling ihalal.
Magugunitang inihayag ng Pangulo na mayroong 4,000 mga barangay captain at city mayors ang dawit sa isyu ng ipinagbabawal na gamot sa buong bansa.