Hindi na rin sigurado ang mga residente ng Japan tungkol sa Olympic Games na nakatakdang idaos sa susunod na taon dahil sa higit na magiging mas mahal ito kumpara sa inaasahang budget sa kalagitnaan ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sa anunsyo ng organizers ng Olympics, ang postponed games ay magkakahalaga ng dagdag na 294 billion yen o $2.4 billion na paghahatiang bayaran ng Tokyo 2020 Organizing Committee, pamahalaan ng Japan, at ng Tokyo Metropolitan Government (TMG).
Sa kabuoan, ang TMG at ang pamahalaan ng Japan o ang mga Japanese taxpayer ay inaasahang magbabayad ng 191 billion yen upang mabayaran ang halaga ng pagkaka-postpone ng laro.
Bagaman, nakaiwas ang Japan sa malaking bilang ng kaso ng COVID-19 kumpara sa ibang bansa sa buong mundo, nakakaranas naman ito sa ngayon ng third wave.
At dahil sa nasa 15,000 atleta mula sa buong mundo na tutungo ng Tokyo para sa palaro, may takot ang mga residente na ang pagdating ng mga ito ay maaaring makapagdulot ng pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Nakatakda pa namang pagdesisyunan ng organizers ang bilang ng spectators ang maaaring makapasok sa Olympic venues sa susunod na taon.