Napakabilis ng oras at tila ba kulang ang isang araw para magawa mo ang lahat ng kailangan mong gawin, kaya naman karamihan sa mga tao ngayon ay palagi nang nagmamadali papunta sa kanilang mga trabaho o ano pa mang lakad na hindi sila dapat mahuli sa oras.
Gaano man tayo nagmamadali ay hindi dapat nating kalimutang alagaan ang ating sarili at mga mahal sa buhay lalo na ngayong patuloy pa rin ang pandemyang nararanasan sa buong mundo.
Sinasabing pinakamahalagang pagkain ang almusal kaya naman hindi umano dapat itong isawalang bahala o palampasin.
Ang mga sumusunod ay mga pagkaing masustansya ngunit mabilisan mo lamang maihahanda sa loob ng sampung minuto at maaring kainin sa byahe. Mainam ito para sa laging naghahabol ng kanilang oras at walang oras para magluto nang matagal.
Maraming iba’t ibang uri ng mga pagkain na on-the-go na pasok sa inyong budget.
Photo Credit: Pixabay
1. Banana oatmeal with nuts – depende sa prutas na mayroon ka o klase ng nuts na gusto mo at maari mo rin itong haluan ng pasas o di kaya ay cinnamon.
2. Avocado at pritong itlog na may cheese – puno ito sa protina, healthy fats at carbohydrates.
3. Banana, blueberry oatmeal yogurt pancakes – madali lamang itong lutuin at paghalu-haluin at mataas din ito sa protina.
4. Pritong itlog na may dahon ng sibuyas, bawang at hindi niluto sa mantika; maari ring haluan ng gatas kaya mayaman ito sa calcium.
5. Pritong tokwa – maari ring gawing scrambled tokwa, haluan lamang ito ng kaunting cheese, turmeric, cumin at paprika. Meron itong protina na gaya ng sa itlog.
6. Egg sandwich – maglaga lang ng itlog, durugin ito at ihalo sa mayonaise saka ipalaman sa tinapay.
7. Banana chips – masarap at manamis namis; kung ayaw mo naman nito ay maaari ka ring gumawa ng banana pancake. Tatlong ingredients lang ang kakailanganin mo para rito gaya ng saging, itlog at gatas. Kung walang gatas ay pwede na kahit itlog lang.
8. Macaroni n’ cheese muffins – sa isang tasa ilagay ang macaroni, cheese at gulay na gusto mong ihalo saka ito lutuin sa microwave oven. Madali at mabilis itong gawin. Higit sa lahat ay mabigat ito sa tyan para sa mga gusto ng heavy, on-the-go na almusal.
9. Chopped salad in a cup – paghaluin ang mga gulay gaya ng lettuce, carrots, pipino, kamatis at olive oil saka haluan ng balsamic vinegar o di kaya ng catsup at mayonnaise. Ilagay sa isang plastic cup or bowl at maari mo nang kainin habang nagbabyahe. Kung mas bet mo naman ang prutas ay maari naman iba’t-ibang prutas ang paghaluin at ilagay sa cup.
10. Lettuce wrap – magtimpla ng tuna flakes na may mayonaise; o di kaya ng chicken flakes o ham at bacon at lagyan ito ng hiniwang kamatis saka ipalaman gamit ang lettuce bilang wrapper. Llagyan ito ng toothpick sa gitna para hindi ito magbuka.