PINAGSABIHAN ni Senador Sherwin Gatchalian ang Meralco na huwag nang palagan ang penalty na iginawad ng Energy Regulatory Commission o ERC.
Matatandaang Agosto 20 nang ipag-utos ng ERC ang pagpapataw sa Meralco ng 19 milyong halaga ng penalty dahil sa bigo itong maipaliwanag sa consumer kung paano nito ikinwenta ang bill ng mga ito noong nakaraang mga buwan at ang bigo nitong maipatupad ang installment basis sa pagbabayad ng mga consumer matapos ang lockdown.
Ayon kay Gatchalian huwag na nilang ilaban ang nasabing kautusan dahil resonable aniya ang ginawang pagpapataw ng multa sa kumpanya gayong malinaw na hindi nila nasunod ang power advisory ng ERC.
Dahil aniya sa paglabag na ito ng Meralco ay marami sa mga consumer ang nakaranas ng bill shock.
Sakali naman aniyang magiging noncompliant ang Meralco ay papayuhan nito ang ERC na taasan pa ang penalty ng kumpanya at iba pang paraan para sila ay maparusahan.
Binalaan na rin ni Gatchalian ang ibang power distribution utilities na maari rin silang ma-penalized kung lalabagin nila ang mga panuntunan ng ERC lalo na kung ang kautusan ay para maibsan ang paghihirap ng mga Pilipino sa gitna ng pandemya.
Ito nga ay matapos mapatawan ng multa ang Meralco.
Giit ni Gatchalian ang mga panggigipit at pananamantala sa panahon ng krisis at pandemya ay nararapat lamang na patawan ng karampatang kaparusahan.
Matatandaan naman na si Gatchalian ay isa sa mga nakaranas ng bill shock mula sa Meralco.