Nagtatayo ang Department of Public Works and Highways ng isang megadike na nagkakahalaga na 28-bilyong piso upang masolusyonan ang pagbaha sa Marikina at iba pang flood-prone areas.
Ito ay inanunsyo mismo ni DPWH Secretary Mark Villar kung saan sinabi rin nito na ang megadike project sa kahabaan ng Batasan Hills, Quezon City ay may taas na 24 metro.
Matatandaan na tumaas ang water level sa Marikina River sa 22 metro na mas mataas sa water level na naitala noong bagyong Ondoy na may taas lamang na 21.5 meters.
Sinabi rin nito na sa kabilang dako ng megadike ay ang Pasig-Marikina River Channel Improvement Project na pinondohan ng Japan International Cooperation Agency.
Nilinaw naman ni Villar na maaaring hindi pa matapos ang proyektong ito sa ilalim ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ngunit sa ngayon ay nakakabit na ang pipeline.
Sa ngayon ay tinatrabaho na rin ng DPWH ang Parañaque Spillway Project na nagkokontrol sa tubig na nanggagaling mula sa mga bundok papunta sa Marikina River.