Inihahanda na ng Department of Health ang panuntunan o guidelines na posibleng ipapatupad sa gagawing COVID-19 mass vaccination sa bansa. Nauna dito ay sinabi kasi ng ilang mga local government unit na may mga inihahanda na silang mga plano sa mga vaccination program, mula sa pagbili ng suplay ng bakuna, pag-iimbakan nito at ang kabuuan ng proseso sa pagbabakuna.
Gayunman ay iginiit ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na dapat ay ang guidelines pa rin ng DoH ang susundin ng mga lokal na pamahalaan para matiyak na nakakasunod ang mga ito sa mga itinakdang health protocols. Dapat anya ay iisa lamang ang gagamiting guidelines at framework sa mass vaccination ng bawat lungsod o munisipalidad o lalawigan para matiyak ang kaligtasan ng bawat babakunahan.
Samantala kung sa ating bansa ay pinaghahandaan o ikinakasa pa lang ang pagbabakuna ay kinumpirma naman ni Labor Secretary Silvestre Bello III na maraming Overseas Filipino Workers ang nabakunahan na ng pangontra sa COVID-19. Aminado naman si Bello na hindi pa nila nakuha ang eksaktong bilang pero sa pagtaya ay nasa 50,000 hanggang 60,000 na mga Pinoy ang mga nabakunahan mula sa iba’t-ibang panig ng mundo.
Nilinaw naman ng DoLE na bukod pa diyan, ang mga OFW’s na nasa frontline gaya sa England at Germany at kasama sa prayoridad na makatanggap ng bakuna. Ipinaliwanag pa ni Bello na dahil diyan ay marami na aniyang mga OFWs ang tumangging maisama sila sa repatriation o kasama sa mga papauwiin sa Pilipinas. Ibig sabihin niyan ay tumataas na ang kumpiyansa at tiwala ng mga Pinoy sa anti-COVID vaccine, maging sa mga opisyales na magha-handle sa isasagawang mass vaccination sa ating bansa. Marami kasi sa ating mga kababayan ang duda sa integridad at kalidad ng anti COVID vaccine kahit na anong brand pa iyan o kahit saang bansa pa iyan ginawa at nagmula.
Sa kabilang banda patuloy naman ang panawagan ng mga awtoridad sa publiko na huwag pa rin kalimutan ang pagsunod sa mga health protocol na itinakda ng pamahalaan maging ng mga health expert natin.
Ito ang binigyang diin ni Dr. Maria Wilda Taguda-Silva, National Immunization Program Manager ng DoH, kasabay ng isinasagawang preparasyon o paghahanda ng gobyerno sa COVID-19 vaccination program.
Ayon kay Dra. Silva, mahalaga pa rin ang palagian at maayos na paghuhugas ng kamay, mapanatili ang tamang physical distancing at pagsunod sa tamang pag uugali tuwing umuubo at nababahing ang nagligtas sa lahat sa banta ng mga sakit kabilang ang COVID-19. Siyempre huwag pa rin anyang kakalimutan ang pagsusuot ng face mask at face shield bilang bahagi na ng new normal. Naniniwala ang DoH na kung sumusunod lang ang bawat isa sa mga itinakdang health protocols ay tiyak anyang makokontrol at hindi na kakalat pa ang COVID-19.
Samantala sinimulan na ng Bureau of Customs-Port of NAIA ang pakikipag-ugnayan sa iba’t-ibang mga ahensya ng pamahalaan at mga warehouse operator bilang paghahanda sa delivery o sa pagdating ng mga COVID-19 vaccine sa Pilipinas.
Sa pamamagitan ng video conference na pinangunahan ng BoC-NAIA ay nakipagpulong sila sa ilang mga opisyal ng Department of Health; Alice Nader mula sa Global Alliance for Vaccination and Immunization; NAIA warehouse operators; Cargohaus, Philippine Airlines, Philippine Skylanders Incorporated; Paircargo, at sa DHL.
Sa nasabing pulong ay tinalakay ang ipapatupad na mga protocols; permits at mga pasilidad na kakailanganin kapag dumating na sa airport ang mga bakuna.
Base sa napagkasunduan ay ang NAIA Customer Care Center at ang COVID-19 One-Stop Shop for COVID-19 vaccines ang tatanggap at maga-assist sa mga papasok na importasyon na dadaan sa NAIA. Pero siyempre, ang DoH pa rin ang pinaka on top of the situation dahil sila ang mga eksperto sa bahaging ito.
Samantala pinuri naman ng DoH ang media dahil mahalaga anya at malaki ang naging partisipasyon ng mga mamamahayag ngayong panahon ng pandemya, lalo pa at marami ang nag-aalangan o natatakot sa pagtanggap ng bakuna kontra COVID-19.
Ipinaliwanag ni Secretary Duque III na matindi ang pangangailangan sa papel ng media para maihatid sa publiko ang impormasyong gumagana, ligtas, at makakapagligtas ng buhay ang mga bakuna.
Lubha anyang kailangan ngayon ng mga Pilipino ang tama, balanse at napapanahong balita at hindi iyung mga fake news na hindi na nakakatulong ay nakakaperwisyo pa.
Sinabi pa nga ni Vergeire na ang mga tsismis at mga maling impormasyon ang sumisira sa tiwala ng publiko sa bakuna kaya mahalaga sa panahon ngayon ang paglalabas ng tamang impormasyon sa pamamagitan ng media.
Kaugnay pa rin nito ay iginiit pa ng DoH na sa pagpapalabas nila ng communication at advocacy campaign para sa COVID-19 vaccine ay importante ang media na pinagkakatiwalaang source ng impormasyon ng komunidad para mas malawak ang maaabot ng mensahe na inilalabas ng DoH.
May ilang grupo raw kasi ang pilit na sinisira ang tiwala ng sambayanan sa mga mass vaccination na ikinakasa ng pamahalaan. May mga grupo rin na inaakusahan ang mga government officials na may nagaganap daw na korapsyon sa transaksyon at pagbili ng mga bakuna sa iba’t-ibang bansa. Ano’t-ano man ang kahihinatnan ng mass vaccination ay maging matagumpay sana ito dahil dito nakasalalay ang magiging kinabukasan ng ating bansa. Sana rin ay magkaisa na lang muna ang bawat isa at kalimutan muna ang pamumulitika dahil walang tutulong sa atin kundi tayo-tayo rin na mga kapwa Pilipino. Dapat lahat tayo ay sumuporta sa anumang programa ng pamahalaan kaugnay sa paglaban sa COVID-19 dahil tayong lahat din ang makikinabang nito sa dulo o sa bandang huli.
Ang aabangan natin ngayon ay kung makikiisa kaya ang mayorya sa mga Pinoy sa isasagawang mass vaccination lalo na ngayon na inamin na ng DoH na mayroon nang local transmission sa UK variant ng COVID-19.