Simbolo ng kapangyarihan, katapangan, kagandahan at katalinuhan ang walang iba kundi ang agila.
Maraming magandang katangian ang agila na makikita sa mga kilalang pinuno sa iba’t bang panig ng mundo na maaari mo ring i-apply bilang lider o maging sa pang araw-araw na pamumuhay. At gaya ng isang agila na lumilipad sa kataas-taasan sa kabila ng matinding bagyo, kaya mo ring malampasan ang ano mang hamon ng buhay at maabot ang rurok ng tagumpay.
Matalas na mga mata ang una sa limang pangunahing katangian ng agila. Ayon sa mga pag-aaral, ang agila ang may pinakamalakas na mata sa lahat ng mga hayop. Ang mata ng agila ay kahalintulad sa mata ng tao pero apat hanggang walong beses itong mas matibay at matalas. Kaya nitong makita ang target na kuneho na may layong 3.2 kilometro at makilala ang limang klase ng kulay ng squirrel kahit pa nagtatago ang mga ito.
Ang extraordinary vision ng agila, ang pagiging pokus nito sa kanyang target ay makikita kay Abraham Lincoln na ika-16 na pangulo ng Amerika. Matatag na ginabayan ni Lincoln ang kanyang nasasakupan sa mapaghamon at mapanganib na panahon ng Civil War dahil nakita niya sa hinaharap ang kaligtasan ng Union at kalayaan ng mga alipin. Dahil sa katangian niyang ito, kinilala si Lincoln bilang isa sa pinakadakilang pangulo ng Amerika. Sinabi rin ni Lincoln na hindi mo matatakasan ang iyong responsibilidad bukas kung ito ay tatakasan mo ngayon.
Katapangan ang pangalawang katangian ng agila. Hindi ito umuurong sa ano mang laban. Hindi magpapatalo at hindi paaapi gaano man kalaki o kalakas ang nais nitong dagitin. Malakas ang kanyang determinasyon at maparaan kung paano niya magagapi ang kanyang biktima.
Halimbawa ng katapangan si Nelson Mandela na nabilanggo ng 27 na taon dahil sa pakikipaglaban nito para pabagsakin ang estado ng South Africa na pinamumunuan ng mga puti noong 1962. Sa kabila nito siya ay naging tagapagtaguyod ng kapatawaran at pagkakapantay pantay. Natutunan niya na ang katapangan ay hindi sa kawalan ng takot, kundi ang tagumpay sa kabila nito. Ang matapang na tao ay hindi yaong walang takot, kundi yaong nagawang pagtagumpayan ang takot.
Matibay nitong kalasag ang ikatlong katangian ng agila. Ang mga pakpak nito ay matibay at kayang suungin gaano man kalakas ang bagyo. Mas malakas na bagyo mas mataas na lipad ang gustong-gusto ng agila at sila lang ang ibon na nakagagawa nito.
Ang karakter na ito ay makikita naman kay Cesar Chavez. Ipinaglaban niya kahit mahirap ang karapatan ng mga magsasaka na magkaroon ng magandang kita at ito ay kanyang naisulong at naipaglaban nang hindi gumamit ng ano mang karahasan. Tumaas ang kita ng mga magsasaka dahil hindi siya sumuko at buong tibay niyang ipinagtanggol ang kanyang mga nasasakupan.
Napakataas na paglipad ang ika-apat na katangian ng agila. Ang mga magagaling na lider ay hindi sumusuko at hinaharap ang anumang hamon. Ginagawa nila kung ano ang dapat gawin. Gaya ng agila na lumilipad nang mataas kahit pa napakasama ng panahon. Tahimik lang silang lumilipad nang pataas, babalik sa lupa at muli na namang lilipad nang mas mataas — alerto at matiyagang naghihintay ng tamang pagkakataon para sumalakay.
Maalaga sa mga inakay ang ika-limang katangian ng agila. Ang mga inakay na agila ay nananatiling 12 na linggo sa pugad bago tuluyang makalipad. Ang ama at inang agila ay salitang magbabantay sa mga inakay nila habang ang isa ang maghahanap ng pagkain. Ang mga agila ay hindi katulad ng ibang hayop, kahit bagong panganak ay kumakain na ang mga ito ng sariwang karne. Sa ika-siyam na linggo ay pareho nang maghahanap ang ama at inang agila ng makakakain dahil malalakas nang kumain ang kanilang mga inakay.
Ang isang mabuti at magaling na lider ay marunong kumalinga sa mga tauhan o nasasakupan. Alam nito ang kanilang mga pangangailangan at handa silang tulungan at akayin hanggang sa sila ay maging katulad narin ng namumuno sa kanila.
Bilang isang karaniwang tao, paano mo gagamitin sa iyong pamumuhay ang mga pangunahing katangian ng ibong agila, ang ibong mandaragit.
Ang agila ay nakasentro ang mga mata sa kanyang layunin. Kung ano man ang pangarap o nais mong marating sa buhay, huwag kang mawala sa pokus. Hindi ka dapat magambala sa kung ano mang balakid. Ang dapat mo lang pagtuunan ng pansin ay kung papaano mo maaabot ang iyong minimithi.
Maging matapang at huwag matakot na harapin ang anumang hamong kakaharapin para maabot ang tagumpay. Lakasan ang iyong paniniwala dahil sa Diyos ay walang imposible, lalo na sa taong naniniwala sa Kanya at sa sarili ring kakayahan.
Lakasan ang iyong loob at magkaroon ng tiwala sa iyong sarili. Tibayan ang iyong paninindigan at magpunyagi sa magandang paraan upang makamtan ang rurok ng tagumpay na minimithi. Maging kagaya ng isang agila.