Nagbukas muli ang Machu Picchu, isang sikat na tourist site sa Peru para sa isang turista matapos ang ilang buwang pagkakasara dahil sa coronavirus.
Ang Japanese boxing instructor na si Jesse Katayama ay binigyang pagkakataon ng local tourism authority na magkaroon ng special permission para bisitahin ang Inca City at buksan ang tourist site para lang sa kanya.
Ito ay dahil na-stuck si Katayama sa Peru dahil sa lockdown kung saan ang orihinal na plano lang nito ay manatili sa lugar ng tatlong araw.
Bumili ito ng ticket patungo sa tourist site ilang araw bago magdeklara ng health emergency ang bansa.
Una namang nakatakdang buksan ang tourist site para sa mga turista noong Hulyo ngunit iniurong sa Nobyembre dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ang Machu Picchu ay isa sa pinakamakasaysayan na tanda ng Inca Empire na naghari ng isandaang taon sa Western South America bago ang pananakop ng mga Espanyol noong 16th Century.
Ang Inca Settlement ay muling natuklasan noong 1911 ng American explorer na si Hiram Bingham at taong 1983 ay idineklara ito ng UNESCO bilang isang world heritage site.