MAAARI nang manatili ang mga long term foreign tourist sa bansang Thailand.
Ito ang inanunsyo ni Prime Minister Prayut Chan-o-cha kung saan mag-iisyu ang gobyerno ng Thailand ng special tourist visa para sa mga long-stay visitors.
Dagdag pa nito, maaring pumunta ang mga bisita sa bansa para sa turismo o health services at maari silang manatili sa alternative state quarantine facilities o mga ospital na kasalukuyang nagsisilbi bilang quarantine facilities.
Aniya, ang public health system ng Thailand ay kabilang sa pinakamahusay sa buong mundo.
Kaugnay nito, sinabi ni Deputy Government Spokeswoman Traisulee Traisaranakul na ang mga long-stay visitor ay kailangang magpakita ng proof of payment para sa kanilang matagal na pananatili sa Thailand.
Maaaring ito ay payment para sa hotel reservation, o pag-upa ng isang condominium room.
Ayon sa spokeswoman, target ng bansa na magkaroon ng 100 hanggang 300 turista kada linggo, o 1,200 na turista kada buwan, at magkaroon ng kita na halos 1 bilyong baht kada buwan.
Samantala, maaari rin i-extend ang 90-day special tourist visa ng hanggang dalawang beses kung saan maaari nang magsimulang dumating ang mga ito sa susunod na buwan.