Gumuhit ang liwanag ng pag-asa sa buong mundo nang ianunsyo ng ilang pharmaceutical companies na nakapag-develop na sila ng bakuna laban sa nakakamatay ng COVID-19 virus. Pinasimulan na ng ilang developed countries ang pagbabakuna sa mga high risk na sektor ng kanilang populasyon gaya ng senior citizens at mga health worker.
Subali’t di pa nagtatagal ay napaulat ang pag-usbong ng panibagong COVID-19 variant sa United Kingdom, na may 70 percent ang transmissibility. Pero, ayon sa mga eksperto, wala pang indikasyon kung mas malakas ito sa unang variant ng virus.
Kamakailan ay natuklasan din ang South African variant ng COVID-19 sa Japan at France, na mas mabilis din ang pagkalat kumpara sa naunang variant mula China.
Kaya naman iminumungkahi ng mga UK scientists na magpatupad ng lockdown para ma-control ang pag-akyat pa ng bilang ng mga tinatamaan ng naturang deadly disease. Sa Pilipinas, may umiiral nang travel ban at mahigpit na border control.
Dahil din sa mga panibagong bantang ito, pinalutang ng gobyerno ng Pinas ang posibilidad na muling magpatupad ng lockdown.
“Actually, yang lockdown is a possibility, As should, we are making some projections, but if the severity in numbers would demand that we take corrective measures immediately, then we’ll just have to go back to lockdown,” wika ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa isang Cabinet meeting.
Ang pagpasok ng 2021 ay sinalubong ng patuloy na pag-akyat ng COVID-19 positive cases sa bansa, na ngayon ay mahigit 475,900 cases na. At inaasahang magpapatuloy pa ito hangga’t wala pang bakuna.
Payo ni National Policy Against COVID-19 chief implementer and vaccine czar, Secretary Carlito Galvez Jr., sanayin na ng mga Pinoy ang kanilang sarili sa pagsunod sa mga health protocols hanggang sa matapos ang krisis. Sa ganitong paraan natin umano maliligtas ang ating buhay.
Ang tanong naman ng ilan, hugas-kamay, social distancing, at face mask pa rin ba tayo habang ang ibang mga bansa ay abala na sa pamamahagi ng bakuna? Ano ang pumipigil sa gobyerno na maka-develop ng sarili nating lunas sa COVID-19, kaysa umaasa lamang ang mga Pinoy sa bakunang baka dumating pa sa huling bahagi ng taon?
Kung magkakaroon man muli ng lockdown, marami na naman ang mapipilayan ang kabuhayan. Ibig sabihin nito ay mangangailangan na naman ng pondo ang pamahalaan para sa pamamahagi ng ayuda. Papasok na naman ang masusing pagtitimbang sa pagitan ng kalusugan ng publiko at ekonomiya ng bansa.
Makakaasa na ba si Juan ng kaginhawaan ngayong 2021? Hindi pa rin tiyak yan. Kaya dapat pa rin natin ipagpatuloy (o mas paigtingin pa) ang pag-iingat at ang pananalangin.