DAHIL sa alok na tulong ng mga kaibigang bansa, nakatitiyak ang bansang Laos na hindi ito mahuhuli sa pagkuha ng bakuna laban sa COVID-19.
Inihayag ng China na prayoridad nitong tulungan na mabigyan ng bakuna laban sa COVID-19 ang mga bansa sa Mekong.
Ayon kay Senior Health Official Zheng Zhongwei Mla sa National Health Commission, nagsimula na aniya ng testing sa mga bakuna nito ang China, at dahil sa emergency powers, pinapayagan na ang paggamit ng mga developmental vaccine.
Samantala, naging headline rin kamakailan lang ang bansang Russia bilang kauna-unahang bansa na nakapagrehistro ng COVID-19 vaccine, na pinuri naman ni Lao President Bounnhang Vorachit na nagpadala ng kanyang mensahe ng pagbati kay President Vladimir Putin.
Noong nakaraang linggo, nakipag-usap si Russiam Ambassador to Laos, Vladimir A. Kalnin sa tagapagsalita ng Lao Minister of Health Dr. Bounkong Syhavong, ang posibilidad na pagbibigay nito ng sariling gawang bakunang “Sputnik V” sa Laos.
Ang trial ng naturang bakuna ay nagpapatuloy na sa mahigit dalawampung bansa na umaasang makabibili ng dosis nito.
Bukod sa China at Russia, inihayag din ng bansang Australia sa pamamagitan opisyal na Facebook page ng embahada nito sa Laos na ipinagmamalaki nitong suportahan ng pantay na access sa COVID-19 vaccine ang mga kapitbahay nito sa Southeast Asia kabilang na ang Laos, sa pamamagitan ng pagsuporta sa bagong COVAX initiative ng Vaccine Alliance na Gavi.
Ang Gavi ay isang international organization na suportado ng Bill and Melinda Gates Foundation na nilikha noong taong 2000 para paghusayin ang access sa bago at hindi masyadong naggamit na bakuna para sa mga kabataan sa mga mahihirap na bansa, kung saan miyembro ang Laos.