Inilunsad ng UK ang kauna-unahan nitong zero-carbon electric na pampasaherong ferry.
Ang Zero-Carbon E-Voyager na inilunsad ng Plymouth Boat Trips at Voyager Marine ay dinisenyo at binuo katuwang ang University of Plymouth, University of Exeter, Teignbridge Propellers, Marki-UK at EV Parts.
Sasailalim ngayon ang ferry sa trials bago magdala ng mga pasahero sa mga ruta ng Plymouth Boat Trip’s Ferry mula Abril 2021.
Ang proyektong ito ay pinondohan ng 1.4 million pounds upang suportahan ang layunin ng UK na zero emission shipping.
Naniniwala ang unibersidad na magbibigay daan ang isinagawang e-voyager para sa target ng gobyerno na mabawasan ng 50% ang emisyon sa maritime sector hanggang 2050.
Samantala, mag-iinstall ang Plymouth City Council ng 22 kwh chargers sa Barbican Landing Stage, at gamit ang sistemang ito, tatagal ng tatlong oras ang e-voyager upang ma-full charge.
Sa ngayon ay nagpaplano na muli sila para gawin ang mas malaking passenger vessel at pagbuo ng bagong katulad na sasakyang pandagat.