NASAKSIHAN ng mga residente ng Basilan ang nakamamanghang hitsura ng liwanag o light pillars sa kalangitan sa lungsod ng Isabela.
Ayon sa mga residente ng Basilan, Isabela, tinatawag na lansuk-lansuk o kandila ng mga Tausug ang nakitang light pillars at pinaniniwalaan ito na masamang pangitain.
Pahayag ng pinakamatandang Tausug na si Hadja Naning, ang lansuk-lansuk ay isang “hara mala” na nangangahulugang may trahedyang paparating at magbibigay ng kamalasan gaya ng apoy, sakit at digmaan at nagpakita na ang ganitong uri ng liwanag noon at nagkaroon ng labanan sa bundok ng Basilan ngunit sa kabila umano nito ay hindi na sila nababahala pa rito.
Sinabi naman ni Isabela City Councilor Candu Muarip na ang light pillar ay isang babala sa mga tao na mas maging maingat dahil sa nangyayari ngayong panahon.
Dagdag pa ni Muarip na pagpapaalala ito sa kasalukuyang sitwasyon na nararanasan ngayon dulot ng COVID-19 pandemic kung kaya’t nararapat na pag-aralan ng lahat na magpakabuti at alalahanin ang Panginoon.