INAPRUBAHAN na ng Japan ang panukala na naglalayong bayaran ng gobyerno ang COVID-19 vaccination para sa lahat ng residente ng Japan at bigyang kompensasyon ang mga supplier kung sakaling magkaroon ng seryosong side effect ang bakuna.
Ang vaccination law na ito ay nakalinya sa layunin ni Prime Minister Yoshihide Suga na siguruhing magkakaroon ng access sa bakuna ang mga residente ng bansa sa mga unang buwan ng 2021.
Sa batas na ito ay maglalaan ang gobyerno ng budget na 671.4 bilyong yen kung saan pumayag itong makatanggap ng 120 milyong dosis ng vaccine mula sa Astrazeneca at Pfizer Inc.
Nakikipag-negosasyon din ito sa Moderna na isa ring U.S. firm para sa karagdagang apatnapung milyong dosis.
Ayon sa World Health Organization, sampung vaccine developer na ang umabot sa final stage ng clinical trials nito para sa vaccine.
Mayroon namang seryosong side effect na naiulat sa ilang trials kaya temporaryong itinigil muna ang pag-aaral ukol dito.
Ayon naman sa isang opisyal ng WHO maaaring ang COVID-19 vaccine ay hindi pa rin maging available bago matapos ang taong 2021. Matatandaang pinagtutulakan ng gobyerno ng Japan ang homegrown vaccines nito pero karamihan sa Japanese companies ay nasa early stage pa lamang ng clinical studies.