Photo Credit: Essentiallysports
Hindi na lingid sa kaalaman ng marami ang buhay na kinagisnan ng isang Manny “PacMan” Pacquiao bago nito maabot ang kasikatan at tagumpay ngayon.
Bilang isang ehemplo ng isang matiyagang Pilipino na pilit binangon ang sarili at pamilya mula sa hirap, itinampok siya ng isang mobile game application kasama ang istorya nito mula sa umpisa.
Tunay na isang makulay na adventure ang buhay ni Pacquiao at lalo nitong nakuha ang puso ng marami dahil sa kaniyang mababang-loob bagamat isa nang sikat na personalidad hindi lamang sa Pilipinas, kung maging sa buong mundo.
MANNY PACQUIAO SAGA
Photo Credit: WBN
Dahil sa mga katangiang ito at syempre dahil sa kaniyang bukod tanging husay sa ibabaw ng boxing ring, gumawa ang OMG Incorporated na isang local game developer sa bansa, katuwang ang Ranida Games ng mobile game na pinamagatang “Fighting Pride: The Manny Pacquiao Saga.”
Ayon sa mga report ay sa unang parte ng 2021 tuluyang ilalabas ang game app sa buong mundo.
Hindi na bago si Pacquiao sa mga mobile app features sapagkat naitampok na siya sa iba’t ibang uri ng international game ngunit bukod tangi ang Fighting Pride dahil ito ay kauna-unahang laro na si Pacquiao ang pinakabida. Ibig sabihin, kay eight division world champion lamang iikot ang buong laro.
Hindi lamang labanan ang handog ng app kundi mayroon din itong story mode kung saan malalaman at mararanasan ng mga manlalaro ang mga nangyari sa buhay ni ngayo’y Philippine Senator Manny Pacquiao.
Naging malalim ang research at pagbuo ng istorya nito dahil dadalhin nito ang manlalaro mula sa pagkabata ni PacMan kung saan siya lumaki at paano siya humantong sa pagiging isang boksingero.
“I am excited to share my life story through the mobile game Fighting Pride: The Manny Pacquiao Saga. I hope that my story will inspire future generations,” wika ni Pacquiao.
Lumaki sa hirap at ginawang hanapbuhay ang pakikipagpalit-mukha o ang pagboboksing. Ito ang pinagmulan ni Pacquiao na ika-apat sa anim na magkakapatid.
Elementarya lamang ang natapos nito dahil nag-drop out sa hayskul dulot ng labis na kahirapan. Sa edad na 12 ay nakilala niya ang isports na boksing sa tulong ng kanyang tiyo.
Dito nagsimula ang alamat ng isang Manny Pacquiao.
RUROK NG KASAYSAYAN NI PACMAN
Kung nakakaantig at magiging motibasyon ang story mode ni PacMan, mayroon ding historical mode ang laro kung saan ipararamdam ang pagiging mahusay ng Pilipino.
Sa ilalim ng mode na ito ay ang mga pinakamagaganda at matitinding laban sa karera ni Pacquiao. Ang mga laban na gumawa ng daan para maging kampyeon sa walong dibisyon sa boksing.
Isang mahaba ngunit makulay na paglalakbay ang kwento ni Manny Pacquiao na tiyak ay kapupulutan ng aral.
Ang kasalukuyang WBA welterweight champion ay patuloy pa ring umuukit ng kasaysayan sa boksing kahit nasa mahigit 40 na taong gulang na.
Kung tagumpay ang historical mode tiyak na mahaba ito dahil hindi na mabilang ang tagumpay ni PacMan sa loob ng boksing ring.
Patuloy ang pagiging ehemplo niya sa kaniyang anong uri ng platform. Mahusay ang ideya ng Fighting Pride sapagkat patok na patok ngayon ang mga game sa kabataan. Sa app na ito ay matututo at magi-enjoy ang maglalaro.
Isa ring pribilehiyo ang malibot ang naging karera niya bilang taga-kontrol ng karakter.
PAQUITO
Sa kabilang dako naman ay kasama rin sa bagong hero ng sikat na international mobile game si Senador Pacquiao.
Matapos pormal na maging bagong ambassador ng Mobile Legends, inilabas din ang bagong hero na pinangalanang si Paquito na siyang hango sa boksingero.
Kung si Chou ay isang muay thai o mixed martial artist sa laro, si Paquito naman ay isang purong boksingero na gumagamit ng upper cut at hooks bilang skills nito.
Tunay na kamangha-mangha ang impluwensya nito sa iba’t ibang aspeto.
Ang Pambansang Kamao ay patuloy na magiging inspirasyon para sa mga atleta at sa mga nasa ibaba upang patuloy na lumaban at baguhin ang estado ng buhay gamit ang marangal na gawain.