Tinanggal na rin ng Inter Agency Task Force (IATF) ang requirement para sa mga air carriers na magkaroon ng isolation area.
Dahil dito, hindi na kinakailangan pa ng mga airlines na maglaan ng lugar sa kanilang aircraft cabin bilang isolation area ng mga suspected at ill passengers.
Bukod dito, inatasan din ng IATF na pagaanin ang entry protocols gaya ng test-upon-arrival requirement sa mga airline crew layovers dahil sa emergency situations gaya ng bagyo, volcanic activities, diversions, emergency landings at iba pang halintulad ng hindi inaasahang evacuations.
Pinahihintulutan na rin ang mga air crew members na pansamantalang manuluyan sa mga accommodation establishments sa ilalim ng superbisyon ng LGUs.
Samantala, tiniyak ng local airline companies ang mas mahigpit na implementasyon ng health and safety protocols laban sa banta ng COVID-19.
Ayon sa Philippine Airlines, naglatag na sila ng karagdagang health and safety measures sa kabuuan ng flight tulad ng paglalagay ng high efficiency particulate air filters.
Sinisiguro rin anila na tumatalima sa health test requirements ang bawat pasahero bago ito pahintulutang makasakay ng eroplano.
Multi-layered approach naman ang ipinaiiral ng Air Asia Philippines sa bawat guest mula sa check-in hanggang makarating sa destinasyon.
Nagtatakda rin ito ng tatlong bakanteng rows sa mga eroplano bawat flight.
Umaasa naman ang mga airline companies na muli nang sisigla at manunumbalik ang kumpiyansa ng publiko sa air travel kasunod ng desisyon ng IATF.