Good Vibes News in Angel Pastor.
Eat all you can fruits, patok sa Davao
SADYANG mahilig sa pagkain at kumain ang mga Pilipino.
Kaya naman patok sa mga Pinoy ang mga eat all you can promo sa mga buffet at food chains.
Pero sa Lungsod ng Davao, usap-usapan ngayon ang eat all you can fruits kung saan makikita ang mga iba’t-ibang prutas partikular na ang pinakasikat na prutas at tipikal na trademark ng Davao, ang durian.
Sa halagang 100 pesos ay maaari nang kumain ng unlimited durian at sa halagang 15 pesos ay may unlimited fruits na.
Ang naturang unli fruits ay nakasilid sa kahon gaya ng buko, lansones, at mangosteen ay nasa bakuran lamang ng isang bahay kung saan naglagay pa sila ng mga mesang kainan para sa mga kakain.
Siniguro naman nila na nasusunod pa rin ang social distancing at health protocols kahit na may dine-in para sa kanilang eat all you can fruits.
5 taong gulang na batang lalaki, umorder ng pagkain online gamit ang cellphone ng magulang
LAKING gulat ng isang ama sa General Santos City nang may kumakatok at dumating na delivery rider sa labas ng kanilang bahay.
Ayon sa kwento ni Angelito Respecia, hiniram ng kanyang 5 taong gulang na anak na lalaki ang kanyang cellphone at hindi niya alam na umorder pala ito ng pagkain online sa isang food delivery site.
Nagulat na lamang daw siya dahil maaga pa at tapos na silang kumain nang may dumating na food delivery at akala raw nito na ang kanyang asawa ang umorder.
Balak pa raw sana nilang kanselahin ang inorder ng bata ngunit hindi na pumayag ang rider kung kayat napilitan silang bayaran ito ng mahigit sa isanlibo.
Ibinahagi nila sa Facebook ang litrato ng kanyang anak kasama ang mga pagkaing inorder at para na rin magsilbing babala na huwag hayaan ang mga anak na gumamit ng gadgets.
Pinoy quiz challenge ng 2 Nigerian vlogger, patok sa netizens
PUMATOK na dati sa mga pinoy na pampalipas oras ang pa-brainy challenge o ang Pinoy quiz.
Mapa-kasaysayan, matematika, siyensya at iba pa, ay game na game sa pagsagot.
Hindi lang mga Pinoy ang nakiuso nito, dahil maging ibang mga lahi ay hindi rin nagpahuli sa challenge, ang 2 Nigerian vlogger na kumasa sa Pinoy quiz lalo na ang pagsagot patungkol sa kasaysayan ng Pilipinas.
Pero sympre hindi rin nakaiwas sa mga maling sagot ang dalawa.
Agad naman na pumatok sa netizens ang good vibes video at humakot ng millions views sa Facebook.
Pedicab driver, sinuotan ng faceshield ang alagang aso
Naantig ang netizens sa video ng isang pedicab driver na nakitang labis ang pagmamahal sa kaniyang alagang aso.
Nakuhanan ng uploader na si Gia Mesina ang maingat na pagsusuot ng ‘di nakilalang pedicab driver ng face shield at kapote sa kaniyang alagang aso.
Nilagyan din niya ng face shield at panlaban sa ulan ang aso na may nakasabit din na quarantine pass.
Ayon sa ilang pasahero ni manong, minsan na silang nakasakay sa pedicab na iyon at kasama talaga raw nito sa pamamasada ang asong si “Chichi.”
Hiling naman ng ilan, sana ay manatiling ligtas ang pedicab driver at ang kanyang alagang aso.