Dahil ang mundo ay puno ng mga matang mapanghusga, hindi pa rin nawawala ang iba’t-ibang uri ng pamamahiya.
Nariyan ang bumabase sa lahi, sa kulay, sa itsura at iba pa. Ang mga ganitong sitwasyon, bagama’t dapat ay walang puwang sa daigdig, ay maaring maranasan ng lahat maging ang mga sikat na personalidad sa larangan ng sports.
Biktima ang Kampyeon
Isa sa mga nakaranas nito ay ang dating undisputed heavyweight champion Mike Tyson.
Kilala ang boksingerong si Tyson sa buong mundo dahil sa kaniyang dominasyon sa sport ngunit ang lahat ng paghanga ay tila napalitan nang pangungutya matapos magretiro noong 2005.
Puno rin ng samu’t-saring kontrobersya ang Amerikano kahit noong lumalaban pa ito.
Dumating din siya sa puntong naubos ang kaniyang pera at nag-file ng bankruptcy.
Aminado rin si Tyson na nalulong siya sa alak at cocaine na siyang tinuturong dahilan sa paglobo ng kaniyang timbang.
Lumagpas siya ng 41 kilo sa normal niyang timbang.
Matatandaan na halos ganito rin ang nangyari sa kapwa heavyweight fighter at ang ngayo’y WBC champion na si Tyson Fury.
Pilit nilabanan ni Fury ang depresyong kinakaharap upang muling mabuhay ang karerang tinatahak.
Tila ganoon din ang landas na tinahak ni Mike Tyson para muling ibalik ang kamangha-manghang hugis ng kaniyang katawan maliban sa dinanas niyang pangungutya sa mga panatiko at kritiko lalo na sa social media.
Puspusang ensayo tungo sa pagbabago
“My whole life has been a waste – I’ve been a failure. I just want to escape. I’m really embarrassed with myself and my life,” ito ang ilan sa mga katagang binitawan ni Tyson noong 2005.
Bagamat hindi pa rin naging madali ang mga sumunod na taon sa kanya, hindi siya sumuko upang magbago.
Isa’t kalahating dekada ang nakalipas ay naging realidad na ito para kay “Iron” Mike.
Ginulantang ng dating tinaguriang “baddest man on the planet ang buong mundo ng palakasan matapos niyang ianunsyo ang pagbabalik sa boxing sa edad na 54.
Bukod sa anunsiyo ay ikinagulat ng lahat ang estado ng kaniyang katawan na tila bumalik sa edad na 20, kung saan una siyang nagwagi ng titulo sa boxing.
Ayon kay Tyson nakapagbawas siya ng 69 pounds sa kaniyang timbang.
Ang dating 289 pounds ay ngayon tumitimbang na lamang ng 220 pounds.
Ang sikreto niya? Bumalik siya sa larangang kaniyang minahal, ang boxing.
Muli niyang isinuot ang gloves, nag-training, tumakbo at patuloy na nage-ensayo para sa parating nitong exhibition fight kontra sa kapwa dating boksingero na si Roy Jones Jr., ngayong ika-28 ng Nobyembre.
Ang dating kinukutyang boksingero ay nagsisilbi ngayong aliw at inspirasyon sa social media. Ito ay marahil sa mga uploaded videos ng kaniyang mga ensayo sa kaniyang Instagram account.
Ano ang nakakamamangha sa mga video na ito? Nagiging viral ang bawat upload ni Tyson dahil makikita sa kaniyang mga ensayo ang pananatili ng kaniyang bilis at lakas na siyang ikinagulat ng marami.
Matapos ang 15 taon ay matatawag pa rin siyang ‘baddest man on the planet.’
Hindi rin magiging epektibo ang mga ito kung hindi sa mga tulong ng mga malalapit na kaibigan at trainer. Kamakailan lamang ay lalong pinaigting ni Tyson ang kaniyang ensayo. Siya ay tumatakbo sa mga bundok upang mapalakas ang kanyang stamina at binti. Nagpapatong din siya ng kadena sa kaniyang balikat upang mas mapagtibay ang katawan.
Sumunod dito ay nage-ensayo siya kasama ang dating UFC champion na si Henry Cejudo at Olympic gold medallist, WWE superstar na si Kurt Angle.
Nakatutulong rin ang pagkuha ng mga inpormasyon sa ibang atleta mula sa ibang larangan sa pagbuo ng taktika ni Tyson para sa parating na laban.
Dalawang buwan na lamang ay masasaksihan na muli sa ibabaw ng ring ang living legend na si Tyson.
Balik-tanaw sa kaniyang karera
Para sa mga mambabasa na hindi nasilayan si Tyson sa kaniyang propesyunal na karera, narito ang ilan sa mga tagumpay niyang nakamit sa loob ng dalawang dekadang pakikipagboksing.
Si Mike Tyson ang may hawak ng record ng pinakabatang kampyeon sa kasaysayan ng boksing.
Sa edad na 20 taon, apat na buwan at 22 araw pinataob ni Tyson ang dating WBC heavyweight champion Trevor Berbick sa loob ng dalawang round lamang.
Ang unang 19 na laban din nito ay puro panalo sa pamamagitan ng knockout kung kaya’t tinagurian siyang “Iron” Mike.
Maliit si Tyson kumpara sa ibang heavyweight na boksingero pero ang kaniyang gilas at talento ay angat sa lahat.
Naging undisputed heavyweight champion siya taong 1987 hanggang 1990. Hawak niya ang apat na belt mula sa apat na major boxing bodies.
Siya rin ang unang boksingerong nakapagsama-sama ng WBC, WBA at IBF belts nang sabay-sabay.
Tunay na kamangha-mangha si Tyson sa loob ng ring kung kaya’t nakaantabay ang marami para sa kaniyang pagbabalik.
Sa kabuuan mayroong 50 panalo si Tyson kabilang ang 44 knockouts, anim na talo at dalawang draw.