KAMAKAILAN ay nagdesisyon ang mamamayan ng US na huwag nang maluklok muli sa pwesto si US President Donald Trump at palitan siya ng panibagong lider na mamumuno sa kanilang pamahalaan sa katauhan ni Joseph “Joe” R. Biden Jr. sa pag-asang maisaayos muli ang pagkakabahabahagi ng espiritu ng demokrasya sa kanilang bansa na lubhang napinsala ng nagdaang populist na lider.
Sa kanyang victory speech sa kanyang hometown sa Wilmington, Delaware, ipinahayag ng President-elect na wawakasan niya ang mga hidwaan sa pulitika at mga lahi, isusulong ang pagkakaisa, at ipaglalaban ang demokrasya sa nangungunang superpower ng mundo.
“It’s time to put away the harsh rhetoric. To lower the temperature. To see each other again. To listen to each other again. To make progress, we must stop treating our opponents as our enemy. We are not enemies. We are Americans. The Bible tells us that to everything there is a season — a time to build, a time to reap, a time to sow. And a time to heal. This is the time to heal in America,” wika ni Biden, na kasapi ng Democratic Party.
Nagpaabot naman ng pagbati ang Malakanyang sa bagong halal na Pangulo ng Estados Unidos. At looking forward ito na makipagtulungan sa Biden administration na, gaya ng Duterte leadership, naglalayon na labanan ang katiwalian.
“We look forward to working closely with the new administration of President-elect Biden anchored on mutual respect, mutual benefit, and shared commitment to democracy, freedom and the rule of law,” wika ni Presidential Spokesperson Harry Roque.
Subali’t ayon sa ilang eksperto, maaaring magkaroon ng conflict ang dalawang administration pagdating sa usapin ng human rights, na isusulong umano ni Biden sa loob at labas ng US.
Nakikita rin ng mga analyst na magpapatuloy ang tension sa pagitan ng US at China, na maaaring gamitan ni Biden ng multilateral approach, o paghikayat sa mga kaalyadong bansa na kontrahin ang patuloy na lumalawak na impluwensya ng Beijing.
Dahil dito, baka maipit sa nag-uumpugang malalaking bato ang Pilipinas. Maaaring ma-pressure ang gobyerno na bigyang linaw kung kaninong superpower ba talaga ito kampi. Lalo na’t kamakailan ay inextend ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng karagdagang anim na buwan ang suspension ng Visiting Forces Agreement (VFA), na nagbibigay ng karapatan sa US military forces na malayang makakilos sa loob ng bansa. Ito ay sa kabila ng agresibong militarisasyon ng Beijing sa West Philippine Sea at COVID-19 pandemic na nagmula sa China.
Pero giit ng Malakanyang na paninindigan nito ang national interest habang pinapanatili at pinapalakas ang “traditional friendship” sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.
Samantala, inaasahan din na magkakaroon ng pagbabago sa immigration policies sa ilalim ng liderato ni Biden.
Naniniwala si Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez na magkakaroon ng ibang patakaran ang Biden administration at pwedeng pahintulutan na mag-extend ang pananatili sa US ng mga Pinoy na may problema sa dokumento kung sakaling baliktarin nito ang mahigpit na immigration policies ni President Trump.
Ipinunto rin ni Romualdez na mas maraming na-deport na Pilipino noong Obama administration, na kapartido ni Biden, kumpara sa noong termino ni US President Donald Trump. Sa kasalukuyan, nasa 350,000 ang bilang ng mga Pinoy na nasampahan ng deportation cases sa US.
Pero, ayon sa Malakanyang, kung magpapatupad ng reporma sa immigration si Biden, makakatulong ito sa mga Pinoy skilled workers na gustong makapagtrabaho sa US. Maaari rin makatulong ang hakbang na ito sa pagbawi ng ekonomiya ng Amerika sa pamamagitan ng pagpapalakas sa pwersa ng mga manggagawa—bagay na gustong mangyari ni Biden.
Nawa ay magpatuloy ang magandang relasyon nina Juan dela Cruz at ni Uncle Sam sa ilalim ng Biden administration sa gitna ng mga nangyayaring pagbabago sa geopolitics sa mundo. Dahil hindi pa rin naman maitatanggi ang katagang “When America sneezes, the world catches a cold.”