Inaabangan o hinihintay na lang ng Department of Health (DoH) ang executive order na ipapalabas ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte para sa EUA o yung Emergency Use Authorization na magpapabilis umano sa pagkuha ng Pilipinas ng mga bakuna pangontra sa COVID-19.
Kung inyong maaalala ay sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na pumayag na kasi ang pangulo na mag-isyu siya ng EO bilang sagot sa kahilingan mismo ng DoH.
Inamin ni Duque na hiniling talaga ng DoH ang EUA para makagamit ang ating bansa ng mga bakuna, gamot at iba pang mga health technology sa panahon ng public health emergency tulad ngayon na mayroong pandemya dulot ng COVID-19.
Ipinaliwanag pa ni Duque na kapag mayroong EUA ay mas mapapabilis ng 21 araw mula sa 6 na buwan ang panahon ng pagproseso para sa pag-apruba ng COVID-19 vaccine na ipapasok sa ating bansa. Nilinaw pa ng DoH na kung may EUA ay papayagan na ang FDA sa paggamit ng mga gamot at bakuna na pasado sa face to face trial para sa emergency COVID-19 cases.
Samantala tiwala umano si Duque na makakamit o maaabot ng Pilipinas ang tinatawag na herd immunity o mapapalawak ang mass vaccination sa bibilhing bakuna kontra sa COVID-19. Inaasahan anya ng DoH na 60 milyong Pilipino ang matuturukan ng nasabing bakuna.
Ang bilang na iyan anya ay pasok na sa sinabi ng World Health Organization na maaabot lamang ang tinatawag na herd immunity kung saan mababakunahan ang 65 hanggang 70% ng kabuuang populasyon ng isang bansa. Kaugnay nito ay sinabi pa ni Duque na naghahanap na ng pondo ang gobyerno para sa gagamiting cold storage facility para pag-imbakan ng mga mabibiling bakuna.
Kailangan daw kasi na masunod ang itinakdang freezing point sa imbakan o sa cold storage para mapreserba ang kalidad ng naturang bakuna.
Kaugnay pa rin nito ay kinumpirma naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na plano ng kompanya ng gamot mula sa United Kingdom na AstraZeneca na dito sa Pilipinas sila magsagawa ng clinical trial para sa nililikha nilang bakuna kontra COVID-19.
Gayunman ay tiniyak ni Vergeire na nakasunod o nakumpleto na ng AstraZeneca ang mga requirements para sa pag-aapply ng clinical trial sa Pilipinas.
Sa ngayon anya ay sinimulan na ng vaccine expert panel, ethics review board at iba pang mga regulatory board ng Pilipinas ang pagsusuri sa aplikasyon ng AstraZeneca.
Hanggang sa kasalukuyan naman ay wala pang itinakdang deadline ang DoH kung kailan ilalabas ang resulta ng kanilang pagsusuri sa aplikasyon ng AstraZeneca.
Base naman sa pahayag ni Task Force COVID Chief Implementer Carlito Galvez ay posibleng sa kalagitnaan pa ng 2022 masimulan ang mass vaccination dahil kailangan daw na maging maingat ang lahat bago ito iturok sa mga prayoridad na mabakunahan.
Dahil diyan ay umugong tuloy ang pangamba ng marami na baka naman daw magamit ito sa pulitika dahil sa 2022 ay mayroon tayong presidential election. Mariin naman itong itinanggi at idinipensa ni Galvez at sinabi pa nga niya na karumal-dumal kung pati ang isyu ng COVID-19 at ang bakuna ay gagamitin sa pamumulitika.
Paulit-ulit naman ang pahayag ng pangulo na kabilang sa prayoridad na mabakunahan ay ang mga frontliners na talaga namang walang takot na nakipagbakbakan sa COVID-19 at itinaya ang kanilang buhay para lamang makatulong at makapagligtas ng buhay ng ating mga kababayan.