Nagpasa si Senator Manuel Lito” Lapid ng isang panukala na naglalayong palawigin ang employment security ng mga manggagawa na may mataas na exposure sa COVID-19.
Sa ilalim ng Senate Bill 1910, ang lahat ng employer ay dapat na maglaan ng isang lugar sa mga empleyado kung saan kumportable at malayo rin ang mga ito sa kapahamakan.
Nakasaad din sa panukala na ang empleyadong may trabaho na may mataas na exposure sa kahit anong banta ng COVID-19 o kahit na anumang pag-aalala sa kanilang kalusugan ay maaaring dumulog sa kanyang employer.
Dapat namang agad na aksyunan ng employer ang hinaing ng kanilang mga manggagawa sa pamamagitan ng pagbibigay ng dagdag na safety equipment, pagbabago sa work environment, pagbabago sa tamang work schedule, o paghahanap ng iba pang alternatibo na angkop sa nasabing empleyado.
Kung hindi magagawang aksyunan ng employer ang hinaing ng empleyado, maaari itong lumapit sa regional office ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Kung mapapatunayan na hindi nagawang umaksyon ng employer ay maaaring i-terminate ng employee ang kanilang employment at pwede rin itong makakuha ng unemployment benefits.