Pasado na sa third and final reading sa Kamara ang House Bill No. 7762 o ang Eddie Garcia Bill na layong protektahan ang kapakanan ng mga manggagawa sa telebisyon, pelikula, radyo at teatro para sa safe-work environment.
Nakasaad sa inaprobahang panukala ang mahigpit na pagtatakda ng limitadong oras ng pagtatrabaho gayundin ang maayos na kondisyon ng mga artista o manggagawang menor de edad pa lamang at senior citizens.
Batay din sa panukala, mandato na ang pagkakaroon ng employment contract at extendable na working period mula 8-12 oras kada araw kasama na ang pagkain ng isang manggagawa.
Ginagarantiya rin ng panukala ang pagbibigay ng mga entertainment industry ng mandatory insurance gaya ng Social Security System (SSS), Pag-IBIG Fund at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para sa mga aktor at iba pang empleyado na maaksidente sa gitna ng pagtatrabaho.
Pinatitiyak din ang mahigpit na pagsunod sa medical at safety protocols at pagkakaroon ng kaalaman sa emergency procedures.
Sakop din ng panukala ang mandatory na pagsasagawa ng risk assessment sa workplace o location of production para maalis agad ang mga potensyal na panganib sa mga film, TV at radio entertainment workers o independent contractors.
Sasagutin naman ng korporasyon o producer ang hospital bill ng lahat ng maaksidente sa set.
Kung magkakaroon ng paglabag, may P1-M multa ang employer at posibleng matanggalan ng lisensya.
Layunin ng panukala na hindi na maulit ang insidente ng aktor na si Eddie Garcia na nasawi sa edad na 90 anyos matapos na maaksidente sa kalagitnaan ng shooting sa isang palabas sa telebisyon noong nakaraang taon.
Ayon kay Deputy Speaker at 1 Pacman Partylist Rep. Mikee Romero, ang principal author ng panukala, layon nito na maipabatid sa lahat ang kahalagahan ng ligtas na workplace lalo na ngayong may pandemya.