Aminado ang Dangerous Drugs Board (DDB) na mahihirapan nang ma-sapul ng Duterte administration ang target nitong burahin ang droga sa bansa pagsapit ng 2022.
Hindi naman negative thinking kundi nagpapaka-totoo lamang umano si DDB chair Catalino Cuy sa kanyang pagtataya na malamang hindi nila kakayanin na tuluyang burahin ang illegal drugs sa nalalabing panahon ng termino ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Tuloy pa rin kasi aniya ang kalakalan ng bawal na gamot sa nasa 14,000 na barangays sa bansa, na napakalaking hamon pa rin para sa mga awtoridad.
Paliwanag naman ni Cuy, hindi naman maituturing na bigo ang anti-illegal drugs campaign ng Duterte government dahil malaki ang ibinagsak ng drug users sa Pilipinas. Batay sa pinakabagong national survey, nasa 1.6 milyon ang naitalang drug users sa bansa, na mababa kumpara noong 2016 na nasa apat na milyong drug users ang naitala.
Dagdag ni Cuy, ang naturang numero ay ikinatuwa pa rin naman ni Pangulong Duterte, na minsan ay umamin din na nahihirapan sa giyera kontra droga. Aniya na na-miscalculate niya ang naturang suliranin, na una niyang ipinangakong wawakasan within “three to six months”.
Subalit kung half-empty ang tingin ni Cuy sa baso, half-full naman ang pananaw ng Malacañang sa mga numero ng giyera kontra droga.
Kampante si Presidential Spokesman Harry Roque na maabot pa rin ang target ng drug-free Philippines pagsapit ng 2022 sa pakikipagtulungan ng mga local government unit. At mas binigyang diin niya ang data na “20,538 out of 42,045 barangays” sa bansa ang wala nang droga. At kamakailan ay pinangunahan pa mismo ni Pangulong Duterte ang pagsira sa nasabat na droga na nagkakahalaga ng PHP7.51 billion sa Trece Martires City, Cavite.
Ayon sa data ng gobyerno sa war on drugs ng Duterte admin, mahigit 259,000 drug suspects ang naaresto, kabilang dito ang ilang opisyal ng gobyerno at kawani ng Philippine National Police. Nasa 5,903 naman ang napatay sa suspects sa war on drugs, na may bahid ng mga alegasyon ng extra judicial killings, na kinukundena ng local and international human rights groups. Pero patuloy pa rin itinatanggi ng gobyerno ang akusasyon na ito.
Sa kabila ng malabong outlook, wika ni Cuy, masasabi pa rin na epektibo ang kanilang mga hakbang. Ang mahalaga , aniya, ay napanatili ng gobyerno ang isang epektibong anti-illegal drugs campaign.
Kung pupulsuhan ang masa, marami pa rin naman ang naniniwala na matutupad pa rin ng Pangulo ang kanyang ipinangako sa mga bayan noong 2016 na tatapusin ang droga para sa peace and security tungo sa pag-unlad ng bayan. Dahil sa maraming panahong pinatunayan naman ng Duterte leadership ang political will nito para mapangyari ang mga pagbabago at iba pang mga agenda nito sa gobyerno.