Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na sirain ang mga nakumpiskang iligal na droga sa bansa.
Dahil dito ay gagawing prayoridad ng Department of Justice o DOJ ang mga kasong may kinalaman sa droga.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, maglalabas ito ng memorandum circular para atasan ang mga prosecutors na gagawing prayoridad ang pag-iimbestiga sa mga drug cases para agad na makakuha ng court order para sa gagawing pagsira sa mga nasamsam na droga, nang naaayon sa panahon na itinakda sa Republic Act 9165.
Ipinaliwanag ni Guevarra na sa ilalim ng Section 21(4) of RA 9165 o ang Comprehensive Drugs Act of 2002, kinakailangang magsagawa ng ocular inspection ang mga trial court sa mga kumpiskado o isinurender na mga iligal na droga, percursors, paraphernalia at iba pang mga item. Sa pamamagitan ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA, ay maaari na itong sirain sa loob ng bente kwatro oras matapos ang inspeksyon.
Sisirain ang naturang ebidensya sa harap mismo ng mga akusado o ng kanilang mga abogado at mga kinatawan ng media, DOJ, civil society organizations at kahit sinong halal na public official.