Sa bawat pagkadapa ay lakasan ang pagbangon. Ngunit paano kung ito’y paulit-ulit na tila panandalian lamang ang pagtayo?
Marahil ay sasabit sa isipan ang salitang “pagsuko.”
Ito ang sinaryong dinanas ni Derrick Rose.
Pinakabatang MVP
Maliwanag ang hinaharap. Ito ang landas na nakalaan para kay Derrick Rose nang pumasok ito sa NBA.
Ang number one overall pick ng taong 2009 ay nagtatagtaglay ng talentong maitatabi sa mga nangungunang manlalaro sa liga.
At di naglaon ay kasama na niya ang mga ito bilang mukha ng NBA. Taong 2011, nakuha niya ang Most Valuable Player award. Ang pinakabatang MVP sa kasaysayan sa edad na 22.
Lalo itong sumikat dahil suot nito ang Chicago Bulls jersey na nakilala dahil kay Michael Jordan.
Ang tubong Chicago mismo ang nagsilbing bagong pag-asa ng syudad para maibalik ang karangalang hawak ng koponan noong 1990’s.
Hindi ito malayong mangyari, dinala ni Rose ang koponan sa unang pwesto ng standings. Umaayon ang lahat ngunit naging harang niya si LeBron James at Miami Heat.
Bagama’t nilaglag sa Eastern Conference Finals, buo ang pag-asa ng mga panatiko na magiging kampeon at makikipagsabayan si Rose kila James sa kasunod na taon.
Subalit lingid sa kaalaman ng lahat, ang taong 2012 pala ang tuluyang babago ng direksyon ni Rose sa NBA.
Injury
Injury ang pinakahuling bagay na nais makita sa kahit anong palakasan ngunit hindi maalis ang katotohanang hindi ito maiiwasan.
Abril 28 ng parehong taon nangyari ang bagay na tiyak hindi malilimutan ni Rose.
Sa kaniyang pag-atake patungo sa ring ay nagkamali ito ng bagsak. Hawak nito ang kaliwang tuhod habang namimilipit sa sakit. Lumabas sa pagsusuri na siya ay nagkaroon ng torn ACL. Dito natapos ang 2012 season ni Rose. Bigong makapasok sa Finals ang Bulls.
Bukod sa pagkabigo ay kinailangang palagpasin ni Rose ang 2012-2013 season upang ipagaling ang injury.
Bagsak-Bangon-Bagsak
Matapos ang halos isang taong pagkatengga ay muling magbabalik si Rose. Ika-29 ng Oktubre ng season 2013-2014 muling naglaro si Rose.
Halata ang paninibago nito sapagkat maliit na numero lamang ang kaniyang nagawa.
Tinatayang ilang linggo lamang ay babalik na rin ang tyempo nito. Hindi pa man tuluyang nalalasap ang pagbabalik ay may dagok na muling humampas kay Rose.
Ika-22 ng Nobyembre, panibagong injury ang kaniyang natamo, tore meniscus, at sa pagkakataong ito ay sa kanang tuhod naman.
Sa puntong ito ay unti-unti nang nagpopondo ang pagkadismaya sapagkat hindi niya mapanatiling malakas ang kaniyang buong katawan.
Matapos ang dalawang taong puno ng samu’t saring injury at pagkabigong makarating sa Finals, nagpasya ang koponan na i-trade si Rose sa New York Knicks.
Hindi maipinta ang itsura ni Rose nang malaman ang balita, sapagkat tila tinakwil siya nang kaniyang syudad na tinubuan.
Isinangtabi ni Rose ang mga nararamdaman at nagpatuloy bilang isang New York Knick.
Tulad ng mga nakaraang season sa Bulls, hindi rin napanatili ni Rose ang matibay na pangangatawan at muling nagkaroon ng minor injuries. Maraming laro ang kaniyang inupuan kung kaya’t matapos lamang ang isang taon ay hindi na siya kinuha muli ng Knicks.
MVP-Journeyman
Isang alaala na lamang ang pagiging pinakabatang MVP at first overall pick, sapagkat ang dating franchise player ay ngayo’y pinagpapasa-pasahan na lamang ng mga koponan.
2017, nagpasya ang Cleveland Cavaliers na kunin si Rose matapos ang pag-alis ni Kyrie Irving na nagtungong Boston Celtics.
Marahil ito na ang bagong simulang hinihintay ni Rose kasama ang dating karibal na si LeBron James.
Makikita pa rin sa kaniyang mga galaw ang gilas at husay ngunit tila naglaho na ang liksi at pasabog na mga galaw.
Ngunit ang inasahang pagbabalik ni Rose ay hindi rin muling nagtagal.
Parehong buwan, Oktubre, muling na-injury si Rose. Isang ankle injury ang nagpa-sideline rito ng mahigit dalawang linggo.
Kasabay nito ang hindi magandang ugnayan mula sa kaniyang coach na si Tyron Lue.
Kung kaya’t matapos ang ilang linggo ay nakita na naman niya ang sarili sa isang trade.
Nakapagkasundo ang Cleveland sa Utah Jazz subalit pagkatapos ng trade ay agad nilang winaive si Rose na nagresulta sa pagiging free agent sa kalagitnaan ng season.
Walang Lamat Na Tiwala
Pilit na sumasara ang pintong binubuksan ni Rose para sa sarili para patunayang nararapat pa siya sa liga. Gayundin, ang paulit-ulit na injury ang naging hadlang upang mawalan ng interest ang mga koponan sa kaniya.
Pero sa pagkakataong ito, isang dating malapit na tao ang nagbukas ng pinto para sa kaniya at siniguro nito na hindi na muling magsasara ang landas na kaniyang inilaan dito.
Kinuha ni Tom Thibodeau si Rose para maglaro sa Minnesota Timberwolves. Si Thibodeau ang dating head coach ni Rose sa Bulls.
Pumusta at nagtiwala ang nagtitimon sa Wolves na mayroon pang ibubuga si Rose.
Iningatan nito ang bawat laro upang hindi muling madisgrasya si Rose. Nilimitan niya ang minuto nito. Ang resulta, naging tuloy-tuloy ang paglalaro ni Rose.
At bilang patunay, sa selebrasyon ng Halloween nagtala si Rose ng panibagong career-high sa NBA, 50 puntos.
Lubos na naging emosyonal ang manlalaro matapos ang laban sapagkat nakita na niya ang bunga ng kaniyang anim na taon na pakikipaglaban sa samu’t-saring injury.
Hanggang sa kasalukuyan, isa ang performance na ito sa nagpapalambot ng puso ng mga manunuod.
Panibagong halina ang lumutang, isang matinik ngunit lubos-gandang bulaklak.
Ang larong ito ang naging simula ng kaniyang tunay na pagbabalik. Bagama’t nalipat sa Detroit Pistons, kamangha-manghang mga numero na ang kaniyang ginagawa na siyang nagpabalik interes sa mga koponan.
Ang dating MVP na pinagpasa-pasahan dahil sa injury ay ngayo’y muling pinag-aagawan.