Nagsulputan ang napakarami at makabagong paraan ng pagpapaganda ngayon. Nand’yan ang pagpapa-tattoo ng kilay, iba’t-ibang klase ng facial treatments, pagtunaw ng taba at marami pang iba. Ang pinaka-latest? Ang dermaplaning.
Nauuso nga ang dermaplaning sa ngayon. Sa katunayan, ayon sa Treatwell, tumaas ng 621 porsyento ang mga taong naghahanap ng impormasyon ukol dito sa internet sa nakaraang taon.
Hindi na nga nakakagulat kung bakit maraming tao ang naging interesado rito. Sa ilang social media page ng mga sikat na makeup artist, artista at maging ng mga kilalang influencer, makikita ang mga dermaplaning device na kanilang ginagamit.
Ano nga ba ang dermaplaning?
“Also known as ‘skin scraping’, it removes part of the upper layer of dead cells on the surface of the skin (the epidermis), with the additional benefit of removing fine vellus hairs,” ayon kay Dr. David Jack, na gumagawa ng dermaplaning sa Harley Street bilang parte ng kanyang Egyptian facial.
Sa mga beauty clinic, karaniwang gumagamit ng surgical scalpel blade bilang exfoliating technique sa paggawa ng proseso.
Ang dermaplaning ay hindi pagtanggal ng buhok sa mukha tulad ng inaakala ng marami. Isa lang ito sa magagandang side-effect, pero hindi sa lahat, depende sa balat ng tao.
Epekto ng dermaplaning sa balat
Ayon kay Jack, nakakatulong i-improve ng dermaplaning ang texture at hitsura ng balat matapos matanggal ang mga dull upper layers. Ang pagkatanggal ng mga maliliit na buhok sa mukha ay nagbibigay ng mas makinis na hitsura.
Bunsod nito, magiging mas epektibo ang paggamit ng serum dahil mas madali itong masisipsip at tatagos sa balat.
“By removing the top layers of dead cells, which form a barrier to penetration of active skincare products, it allows them to travel deeper into the skin to increase their effectiveness,” paliwanag ni Jack.
Dagdag pa riyan, mas maganda rin ang kalalabasan kapag naglagay ka ng makeup matapos ang dermaplaning treatment. Dahil mas makinis na ang balat at well exfoliated, mas madali na ang paglagay ng foundation at iba pang base products sa mukha.
Pwede ba itong gawin sa bahay?
Kung nagtataka ka kung bakit may mga ilang personalidad na may dermaplaning devices, ito ay dahil maaari mo rin itong gawin sa bahay. Napakaraming DIY dermaplaning devices na mabibili ngayon, ngunit kailangan mong alamin kung paano gamitin ito. Mahirap na, imbes na pagpapaganda ng balat ang magawa mo, baka lalo pang masira.
“Since dermaplaning works best using an extremely sharp scalpel blade with practitioners who have been properly trained to handle them, I wouldn’t recommend dermaplaning at home unless you’ve received some proper training,” payo ni Jack.
“The angle and pressure of the blade on the skin is a skill that takes a little while to perfect, so the risk with the home devices of cutting the skin may be higher than having it done professionally,” dagdag pa nito.