NAG-ABOT ng tulong ang Department of Agriculture (DA) sa mga hog raiser na apektado ng African swine fever (ASF).
Ang mga apektado ay nakatanggap ng tig-lilimang libong piso, ayon kay DA Secretary William Dar.
Ayon pa sa kalihim, ang pondo ay galing sa P400-M na restocking fund.
Sa Region 3 at Region 4-A, namahagi rin ang ahensya ng iba’t ibang ayuda at livelihood project partikular sa mga nag-aalaga ng native na manok, kambing, karnero, baka at iba pang hayop.
Ibinahagi rin ni Dar ang mga bagong outbreak areas ng ASF na kabilang ang mga probinsya ng Laguna, Quirino, Albay, Quezon, Batangas at Cavite.
Gayunman, nakatulong din ang ipinatutupad na lockdown sa pagsugpo ng pagkalat ng ASF.
Umaasa naman ang ahensya na magkakaroon na rin ng bakuna laban sa naturang sakit.
Kaugnay nito, upang maiwasan na kumalat pa ang ASF, nakipag-ugnayan ang ahensya sa mga lokal na pamahalaan para mabantayan ang mga lugar na idineklarang mayroong ASF.
Sinabi ni Dar na kailangan munang dumaan sa slaughter house ang lahat ng karne na papunta na merkado upang masiguro na wala itong dala-dalang African swine flu. Nakantabay din sa naturang mga slaughter house ang mga kawani ng National Meat Inspection Services upang matiyak na ligtas itong kainin.
Para naman maibsan ang kakulangan sa suplay ng baboy sa mga probinsya na wala pang naitalang ASF, hinihimok ang mga hog raiser na ipagbili nila sa mga syudad ang produkto kasabay ng pagpapatupad ng health at safety protocols.