Photo Credit: Pcoo
Tiniyak ng Palasyo na ligtas ang bakunang ibibigay sa mga Pilipino.
Napag-alaman na sa ngayon ay ang bakunang Sinovac mula sa China ang nakatakdang bilhin ng gobyerno.
“Unang-una, nasagot na po ang dahilan kung bakit kumukuha tayo ng Sinovac kasi iyon lang po talaga ang magbibigay ng supply sa lalong mabilis na panahon at hindi naman po natin bibilhin iyan kung hindi sasabihin ng FDA na ito ay ligtas at ito po ay epektibo” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.
“Well, iyong Sinovac, sila iyong first eh na nag-apply towards the end of October. If I’m not mistaken, and almost complete na talaga iyong kanilang application form. I think our regulators are just asking for a few certificates kaya lang galing sa China pa eh, coming from China, just some certifications on the product”, dagdag pa ni Sec. Roque.
Samantala ang Senado ay nakatakda namang gumawa ng inquiry para sa implementasyon ng Vaccination Program ng pamahalaan.
Ito ay pagkatapos i-adopt ng Senado ang resolusyon na nag-aatas sa Committee of the Whole para gumawa ng pagdinig at malaman ang kahandaan ng bansa para dito.
Ilan sa mga nais masagot sa inquiry ay kung gaano kaligtas ang bakunang gagamitin para sa mga Pilipino kung saan kay Sen. President Vicente “Tito” Sotto naman ang pagpapasya kung kelan gagawin ang nasabing inquiry.
Kaugnay nito,mismong si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang unang magpapaturok ng bakuna kapag aprubado na ito ng Food and Drugs Administration (FDA) upang mawala lang ang takot ng mga mamamayan.
Hindi na makapaghintay si Pangulong Duterte na mapabakunahan laban sa coronavirus disease o COVID-19.
Giit din ni Roque, kung mayroon mang may pinakamabisang pangkumbinsi sa mamamayan na ligtas ang bakuna laban sa COVID-19, ito ay walang iba kundi si Pangulong Duterte mismo na siyang gustong unang maturukan nito.
Inilahad ng kalihim na kung may makukuha ng bakuna ang Pilipinas at papayagan na ng FDA na mabakunahan si Pangulong Duterte, ay walang magiging problema rito.
Naniniwala naman si Roque na hindi na kailangang gawin pang “spectacle” si Pangulong Duterte sakaling turukan na ito ng COVID-19 vaccine o gawin pang live sa mga telebisyon ang pagtuturok sa presidente.
Kung maalala, inihayag ng Pangulo na hindi ito mag-aatubiling unang pag-eksperemintuhan ng bakuna sa harap ng publiko kapag dumating na sa bansa ang bakuna kontra COVID-19 na galing ng Russia. Ito ay upang maiwasan na ang satsat ng mga kritiko.
“Ako pagdating ng bakuna in public, para walang satsat diyan, in public magpa-injection ako. Ako ‘yung maunang ma-eksperimentuhan. Okay para sa akin,” ayon kay Pangulong Duterte.
Samantala, sinabi rin ni Roque na personal na desisyon na ng mga opisyal ng gabinete kung nais nilang mapabilang sa mga unang babakunahan kontra COVID-19.
Welcome sa Malacañang ang sinumang matataas na opisyal ng gobyerno na handa na unang magpabakuna upang mawala ang takot ng publiko sa COVID vaccine.
Pero ang problema naman din dito, ani Roque, na kung mayroong ilang mga matataas na opisyales na nais na magpaturok para magsilbing halimbawa na wala talagang masamang epekto ang bakuna, ay tiyak namang sasabihin ng taga-oposisyon na mayroon na namang VIP treatment.
“Alam ninyo po personal na desisyon iyan ng ating mga namumuno ‘no pero kapag nangyari po iyan, babatuhin na naman ang gobyerno na inuuna ng bakuna ang mga VIPs gaya ng nangyari doon sa PCR test ‘no. So either way talagang mayroon pong mga kritiko na mambabato,” ayon pa sa kalihim.
Aniya, prayoridad na mabibigyan ng bakuna laban sa coronavirus ay ang mga medical frontliner, sunod naman ang indigent senior citizens, at natitirang senior citizens.
Sa kabuuan, mahigit 24 milyong indibidwal ang mabibigyan ng prayoridad sa COVID-19 vaccine.