SA sandaling kumontra ang takbo ng kapalaran sa ating buhay ay nararapat na bumalik sa prinsipyo at hangarin.
Ito ang naging hakbang ni NBA superstar Carmelo Anthony para sa kaniyang matagumpay na pagbabalik sa NBA.
BULUSOK PABABA
Bagama’t isa sa mga kinatatakutang manlalaro mula 2003 ay tila biglang naglaho ang karisma ni Anthony sa court at nabuhos sa kaniya ang sisi, hindi lamang ng koponan, maging sa mukhang inilalabas sa publiko.
Dahil dito ay naging papalit palit ang koponan ng 6’8” forward na si Anthony hanggang narating niya ang tila hangganan na ng kaniyang NBA career.
Taong 2018 ay tuluyan siyang nawalan ng koponang paglalaruan matapos i-waive ng Oklahoma City Thunder matapos lamang ang ilang laro.
Simula nito ay nabansagan na siyang ‘washed’ ng mga panatiko at maging mga eksperto. Laos na raw at hindi na bagay sa makabagong sistema ang noo’y 34-anyos na si Carmelo.
PAGTAKIP TENGA SA KRITIKO
Bagama’t inulan at pinagdudahan ng mga tao ay takip tengang naglakad pasulong si Anthony. Sa lugar kung saan ang agos ay taliwas sa patutunguhan ay patuloy niya itong binagtas kahit nagi-isa at walang nakakakita.
At kahit sa paminsan-minsang paglalabas ng kaniyang training ay mas marami pa rin ang nangungutya sa 10-time NBA All-Star.
Kilala si Carmelo Anthony bilang isang scorer. Siya ang pangunahing pambato ng kaniyang koponan tulad ng Denver Nuggets at New York Knicks.
Ngunit kalaunan ay tila naging problema ang kaniyang istilo dahil madalas tumatagal sa kamay nito ang bola imbes na maiikot sa kasama.
Naging basehan ng mga eksperto at kritiko ang ball movement ng Golden State Warriors matapos maging matagumpay ng ilang taon.
Dahil dito ay nagmukhang balakid pa si Carmelo Anthony at dahil sa edad ay inakala na ng marami na nawawala na ang galawan nito. Bagamat maging ganoon ang kinahantungan, nagbingi-bingihin pa rin si Anthony at patuloy na naniwala sa sariling kakayahan.
PAGBABALIK
Inabot ng isang taon ay tahimik na naghihintay si Anthony. At ang pilay na koponan ng Portland Trail Blazers ang muling nagbukas ng pinto para rito.
Bukod sa oportunidad ay tiwala ang binigay ng Blazers para sa 35 anyos na manlalaro.
Kasama ang superstar na si Damian Lillard, pinatunayan ni Anthony na hindi pa siya laos at muling inagaw ang puso ng mga panatiko.
Sa kanyang pagbabalik sa ika-17 season sa liga, um-average ito ng 15.4 points at 6.3 rebounds, hamak na mas mataas sa inaasahan ng mga kritiko.
Naging kritikal ang pagdagdag ni Blazers kay Anthony upang makuha ang ika-walong spot sa NBA playoffs.
Bagamat nabigong talunin ang Los Angeles Lakers sa unang round ng playoffs ay hinangaan ng buong mundo ang koponan lalo na si Anthony na napatunayang mali ang sinasabi ng marami.
Ang noo’y kinukutya ay naging inspirasyon para sa mga nagnanais balikan ang pangarap.
Hindi hadlang ang edad at pagbagsak upang hindi muling sumubok at tumaya. Ito ang aral na ipinakita ni Anthony sa kaniyang napakamemorableng pagbabalik sa ligang kaniyang pinangarap simula pagkabata.
AKTIBISTA SA LOOB AT LABAS NG COURT
Bukod sa kaniyang ambag sa larangan ng palakasan ay mahusay ding ginagamit ni Anthony ang kaniyang kinatatayuan upang maiparinig at ipaglaban ang mga problema sa lipunan.
Nariyan ang kaniyang pakikibaka para sa racial justice dahil sa mga enkwentrong nangyayari sa Amerika. Hindi lamang ito para sa bansa ngunit sa buong mundong nakararanas ng parehas na sitwasyon.
Nararapat lamang na gamitin ang impluwensiya sa mga layuning mas magpapabuti sa lipunan hindi lamang sa kasalukuyan, maging sa hinaharap. Ang paggamit ng boses ay isang karapatan ng lahat ngunit hindi lahat ay may lakas ng loob upang gamitin ito. Ang pagtindig para sa mga walang boses ay isang bayaning aksyon sapagkat ito rin ang ginawa ng ating mga bayani hanggang makamit nila ang ating kalayaan.
PLANO SA HINAHARAP
Hindi pa rin tiyak ang hinaharap ni Carmelo Anthony para sa liga sapagkat isang taon lamang ang kontrata niya sa Blazers. Naglabas ito ng saloobin na ninanais niyang bumalik at tingin niya’y ito na ang kaniyang magiging tahanan dahil sa pagtanggap sa kaniya, hindi lamang ang organisasyon at koponan, maging ang mga fan na tiwalang meron pa rin siyang gilas at nararapat pa rin siyang maglaro sa NBA.
Ang sigurado lamang ay patuloy siyang magiging inspirasyon sa marami at mananatili siyang totoo sa sarili. Hango nga sa kaniyang paboritong parilala, “stay Melo.”
Kung sakali mang huling season na niya ito, karapat-dapat pa rin siyang mapabilang sa Hall of Fame ng NBA.
Narito ang ilan niyang naabot na milestone sa liga:
10-time All-Star
NBA Scoring Champion
Three-time Olympic Gold Medallist
At sandamakmak na tulong sa pamayanan.