SA pagputok ng COVID-19 pandemic sa unang bahagi ng 2020, napilitan ang maraming bansa na sumailalim sa lockdown para ma-control ang paglaganap ng nakamamatay na virus. Bagama’t naging epektibo itong paraan, nakapagdulot naman ito ng pagkaparalisa at pagkadapa ng mga ekonomiya, na nagresulta sa pagkalugi ng mga negosyo at pagkawala ng maraming trabaho. Ayon sa mga eksperto, ito ang pinakamalalang recession mula nang magkaroon ng Great Depression noong 1930s.
Sa kalagitnaan ng taon ay nakitaan ng unti-unting recovery ang ilang mga bansa. Nagkaroon na ng pagluluwag sa mga restrictions at nagbalik operasyon ang mga kumpanya’t transportasyon. Subali’t hangga’t wala pang bakuna laban sa COVID-19, nananatili pa rin ang kawalan ng kasiguruhan sa takbo ng kalakalan.
Kabilang sa mga naapektohan ng krisis ang pangunahing infrastructure program at economic driver ng Duterte administration na ang Build, Build, Build program (BBB). Ang BBB ay binubuo ng nasa 20,000 infrastructure projects sa buong bansa, kabilang dito ang mga kalsada, airports, seaports, terminals, evacuation centers, mga ospital, eskwelahan at government centers. PHP 8 trillion ang inilaan ng pamahalaan para makumpleto ang mga ito pagsapit ng 2022.
BBB BUDGET TINAPYASAN
Dahil sa pandemya, naapektohan ang budget ng mga ahensya na nangunguna sa pagpapatupad ng BBB projects. Na-realign ang bahagi ng kanilang pondo para matustusan ang pagresponde ng pamahalaan sa pangangailangan ng mamamayan ngayong panahon ng krisis.
Kasama sa mga na-tapyasan ng budget ay ang Department of Public Works and Highways (DPWH), na binawasan ng PHP 121.9 bilyong piso para mapondohan ang medical services at pa-ayuda sa mga nawalan ng kabuhayan.
Samantalang ang Department of Transportation naman ay tinapyasan din ng PHP 8.8 bilyon mula sa original budget na PHP 147 bilyon para sa mga BBB projects.
Ayon kay Acting Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua, ang adjustments sa BBB budgeting ay magbibigay daan sa pagtatayo ng mga healthcare facilities at iba pang kailangang pasilidad sa panahon ngayon.
Siniguro niya na di nito maaapektohan ang naunang layunin ng BBB: ang punan ang kakulangan ng mga imprastrakturang magpapalakas sa ekonomiya ng ating bansa.
“What we are thinking right now is, we have to reprioritize our infrastructure program. We have to give more space to health infrastructure. We have to give more space to digital infrastructure, and those are important in the ‘new normal.’ But we will continue to pursue a lot of the infrastructure program because that is an important element in our recovery,” wika ni Chua.
Dahil sa adjustments sa budget, walong proyekto na nagkakahalaga ng kabuuang PHP370 bilyon ang na-cross out sa programa. Ang mga proyektong ito ay ang mga sumusunod: Bataan-Cavite Interlink Bridge, Dalton Pass East Alignment Alternative Road, New Zamboanga International Airport, New Dumaguete Airport, Panay River Basin Integrated Development, Kabulnan-2 Multipurpose Irrigation and Power, Kanan Dam, Guimaras-Negros portion ng Panay-Guimaras-Negros Bridge.
Natapyasan man, nadagdagan naman ng 13 ang infrastructure priority projects, na naglalayong pabutihin ang serbisyo ng water supply, health care, transportasyon at ang digital economy. Kasama dito ang pagtatayo ng Virology Institute sa New Clark City para mapaghandaan ng bansa ang susunod na pandemya.
TULOY PA RIN ANG CONSTRUCTION
At sa kabila ng mga lockdown at quarantine measures na ipinatupad, may mga flagship infrastructure na nakumpleto ngayong taon. Kabilang dito ang Angat Water Transmission Improvement Project; ang Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway Rosario Exit; ang four-lane Sorsogon City Coastal Road; New Clark City (Phase 1A); Harbor Link; Sangley Airport; Broadband project with Facebook (Luzon Bypass Infrastructure); Bohol-Panglao International Airport; Laguna Lake Highway; Cagayan de Oro Port, TPLEX Rosario; TPLEX Pozorrubio; New World-Class Terminal sa Mactan-Cebu International Airport; Lal-lo International Airport; at Puerto Princesa International Airport.
Bukod pa riyan, natapos na rin ang infrastructure development sa 11 airports sa bansa.
Naniniwala si Presidential Adviser for Flagship Programs Vivencio Dizon na malaking tulong ang BBB program para mapanumbalik sa dating sigla ang ekonomiya ng bansa, lalo na kapag natapos na ang pandemya.
Ayon sa DPWH, nasa 1.5 million jobs ang nabigay ng BBB ngayong taon sa kabila ng pandemya—bagay na napakahalaga ngayong panahon ng krisis. “We have not only continued with “BBB” and our flagship projects, but we will also further intensify this to serve as a major driver in our recovery for the coming months,” wika ni Dizon.