TUMAAS ng 9% ang pondo ng Department of National Defense (DND) para sa 2021 kung saan ibubuhos ito para sa AFP modernization program.
Ayon kay Defense Sec. Delfin Lorenzana na P16.96 bilyon ang nadagdag sa budget ng DND sa 2021 kung saan aabot ito sa P208.7 bilyon, mas mataas sa P191.7 bilyon budget ngayong 2020.
Aniya, tumaas ang budget sa Personnel Services na nasa P2.4 bilyon; Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) na P7.6 bilyon; at Capital Outlay na nasa P6.89 bilyon.
Kabilang sa 2021 budget ay ang P96.8 bilyong pondo para sa Army; P29.8 bilyon naman sa Air Force habang P31.2 bilyon para sa Navy.
Itinaas din sa P33 bilyon ang pondo para sa AFP modernization sa 2021 na may layuning makalagda ng 10 procurement contracts para sa modernisasyon ng hukbong sandatahan.
Sa kabila nito ay nakuwestyon naman ang DND kung bakit kailangang bumili ng second hand na gamit.
Mas malaki umano ang gastos sa pagmintina ng mga second hand na kagamitan kumpara sa brand new.