SINASABING ang utak o isipan ng isang mag-ina ay gumagana na parang “mega-network” sa pamamagitan ng sabayang brain waves kapag nag-uusap at magkasama sila. Ang lebel ng kanilang koneksyon ay nakadepende sa emotional state ng ina. Kapag buo at mas positibo ang nararamdaman ng isang ina, mas mataas ang koneksyon nito sa kanyang anak. Dadag pa rito, maaari itong makatulong sa mabilis na pang-unawa at pag-develop ng utak ng bata.
Emotional state ng mag-ina, may magandang epekto sa mag-nanay
Ayon sa journal na Neurolmage, may isang pag-aaral na gumamit ng method na tinatawag na dual electroencephalography o EEG para makita ang brain signals ng parehong nanay at anak habang magkasama at magkausap sila. Kanilang natuklasan na mataas ang posibilidad na sabay ang kani-kanilang brain waves.
Kung titingnan ang mga katangian at istraktura ng isang interpersonal neural connectivity gamit ang isang mathematical method, makikita dito kung paano nakakakuha ng impormasyon ang magkahiwalay na isipan at kung paano ito gumagana bilang isa at itinuturing na network.
Sinasabing kung mas masaya at positibo ang emotional state ng mag-ina, mas maraming oras ang mailalaan nila nang magkasama. Sa puntong ito, nagiging mas matibay ang brain connection ng mag-ina. Kanila ring napag-alaman na kapag mas maraming “eye contact” ang mag-ina, mapananatili ang abilidad nilang mag-isip bilang isa. Higit itong makatutulong sa mag-ina upang makakuha, makapagbigay at makaunawa ng impormasyon.
Mas masayang nanay, mas malusog na anak
Ayon naman kay Dr. Vicky Leong ng University of Cambridge’s Department of Psychology, mula sa kanilang pag-aaral, nalalaman nila na matibay ang neural connection ng isang mag-ina kapag ang bata ay palatanong at mabilis tumugon. Sa estado na iyon, may abilidad nang mabago ang isipan ng bata. Ang pagbabago na ito ay bunga ng kanyang mga karanasan bilang isang paslit.
Dagdag pa niya, makabubuo ng positibo at bukas na relasyon ang mga magulang sa kanilang mga anak kung makikipag-usap o makikipag-ugnayan sila nang mahinahon at may pagmamahal. Makatulong din ito sa pag-unlad ng mental capacity ng kanilang mga anak.
Ayon sa resulta ng pag-aaral, nagiging mahina ang neural connection ng isang mag-ina kung malungkot o depressed ang nanay. Gaya na lamang ng isang normal na tao, kapag malungkot ito, mas gugustuhin nitong mag-isa at hindi makipag-usap o makisalamuha sa iba. Mas mabawasan ang oras ng isang ina na makasama, mayakap, malambing at makausap ang kanyang anak kung siya’y malungkot. Karaniwan sa mga ito ay may mababang tono ng boses, wala masyadong eye contact at hindi masyadong sumasagot o tumutugon kung kailangan sila ng kanilang anak.