MARAMI sa atin ang gumagamit ng couple photo bilang profile picture sa Facebook. Kahit pa karaniwan na itong nakikita sa social media, meron pa ring ilang nagtatanong kung bakit kailangang kasama pa ang kapareha sa kanilang main photo. Maaari namang solo na lamang dahil isa lang naman ang may-ari ng account. Ayon sa isang pag-aaral, meron itong mensaheng nais iparating at importanteng rason kung bakit ginagawa.
Ayon sa sa pag-aaral ng mga psychology researchers na sina Amanda L. Forest at Kori Kruege, ang paggamit ng profile picture na kasama ang katipan ay tinatawag na dyadic displays. Isa itong paraan ng pagsasabing nasa isang relasyon ang isang tao.
Ano ang dyadic displays?
Ang pag-po-post ng mga relationship status at pag-mention o tag sa ating mga partner ay ilan din sa mga tanda kung ano ang nararamdaman natin sa ating relasyon. Maari rin itong isang mensahe sa ibang tao na may gusto o magkakagusto sa ating kapareha.
Tinatawag ito ng mga social psychologists na dyadic displays at pangkaraniwan na ito sa panahon ngayon.
Sa kanilang pag-aaral, 29 porsyento ng mga gumagamit ng Facebook na nasa isang relasyon ay gumagamit ng couple photo bilang profile picture. Nasa 70 porsyento naman ay nag-po-post ng kanilang mga relationship status, tulad ng “In a relationship” o “Married,” habang nasa 15 porsyento naman ang tina-tag o di binabanggit ang kanilang mga kapareha sa kanilang mga post.
Sino ang gumagawa nito?
Hindi naman lahat ng gumagamit ng Facebook ang gumagawa ng dyadic displays.
Kung mas in-love ang magkatipan sa isa’t-isa, mas malaki ang tyansa ng pagseselos. Kaya, mas malamang ang paggamit ng couple photo bilang profile picture at status sa Facebook.
Karaniwan din itong ginagamit ng mga taong takot maiwan or ma-reject ng kanilang kapareha o ng may mga anxious attachment style.
Hindi naman ito karaniwan sa mga taong may avoidant attachment style o hindi komportableng dumepende sa iba o mas gustong maging independent. Kahit pa sila ay nasa relasyon, hindi sila gumagamit ng couple photo bilang profile picture.
Depende naman ang paggamit ng dyadic displays sa pakiramdam ng isang tao. Kung sila ay tila na i-insecure o nagdududa sa nararamdaman ng kanilang partner, mas malaki ang tyansa na mag-post ukol sa kanilang relasyon. Ginagawa rin ito kung masaya sila sa piling ng kanilang kapareha.