Napagdesisyunan na ng lokal na pamahalaan ng Baguio City na dagdagan mula sa 500 ang mga turista na maaaring papasukin sa lungsod upang magbakasyon.
Ayon kay Supervising Tourism Operations Officer Engr. Eloysius Mapalo, dadagdagan pa ito ng 500 pa na turista.
Ang desisyong ito na dagdagan ang daily tourist arrivals sa sikat na tourist destination ay parte aniya ng strategic program ng syudad na unti-unting buksan ang local tourism industry upang makatulong na muling buhayin ang ekonomiya ng bansa.
Ani Mapalo, base sa datos ng registration platform ng lugar na matatagpuan sa website na visita.baguio.gov.ph, mayroon ng 3,200 naaprubahang travel requests sa syudad. Inaasahan ding madadagdagan pa ito ng 200 hanggang 300 kada araw.
Aniya, 80% ng mga inaprubahang travel requests sa lungsod ay mga turistang naninirahan sa National Capital Region (NCR) habang ang natitirang 20% ay mula sa ibang rehiyon ng Luzon.