Lubhang mapanganib ang sakit na dengue at marami na ang namatay sanhi nito. Wala pang gamot laban sa dengue at naging kontrobersyal din ang bakuna para dito.
Sa ngayon, may bagong pag-aaral na nagsasabing pwedeng panlaban sa sakit na Zika, dengue at iba pang viral diseases ang isang cream sa balat.
Ang imiquimod o Aldara ay pangkaraniwang ginagamit panggamot ng genital warts at ang ilang uri ng skin cancer.
Ayon sa isang pag-aaral, ang clinically-approved at madalas gamitin na skin cream na ito ay maaari ring panlaban sa mga skin-borne diseases. Sinangayunan naman ito ng lead author ng study na si Clive McKimmie ng University of Leeds sa U.K.
Sa isang nilathala sa journal na Science Translation Medicine, pinag-aralan ng mga mananaliksik ang apat na uri ng virus na dala ng lamok. Napag-alamang ang paggamit ng naturang cream sa loob ng isang oras matapos makagat ng lamok ay nakakapagpabawas sa infection rate ng gamit nilang mga modelo.
Upang mas maintindihan ang epekto ng skin cream sa balat, gumamit ng dalawang modelo ang mga nananaliksik — human skin samples at daga.
Sa parehong modelo, napag-alamang ang paglalagay ng skin cream ay nagsisilbing parang warning signal na siyang nag-a-activate ng immune response ng balat para labanan ang posibleng viral threats. Pinipigilan nito ang pagkalat ng virus sa buong katawan na nagiging sanhi ng sakit.
“What is especially encouraging about our results is that the cream was effective against a number of distinct viruses, without needing to be targeted to one particular virus,” paliwanag ni McKimmie.
“If this strategy can be developed into a treatment option then we might be able to use it to tackle a wide range of new emerging diseases that we have not yet encountered,” dagdag pa nito.