Bagong taon, bagong pag-asa. Ganito ang attitude ng mga Pinoy sa tuwing magpapalit ng taon. Lalo na’t ang lahat ay tila na-trauma sa lagim na dala ng taong 2020. Ayon sa survey ng Pulse Asia, 91 porsyento ng mga Pilipino ang naniniwala pa rin na bubuti ang buhay ngayong 2021 sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Photo Credit: Robredo FB Page
Subali’t ano-ano nga ang mga dapat asahan at paghandaan ni Juan dela Cruz ngayong 2021? May liwanag na bang maaaninag sa dulo ng madilim na kweba?
CLIMATE CHANGE MAGPAPATULOY
Photo Credit: VP Leni Robredo FB Page
Naitala ang 2020 bilang isa sa mga pinakamainit na taon sa kasaysayan ng mundo. Halos umabot na sa 2 degrees Fahrenheit ang itinaas ng temperature ng ating planeta kumpara noong 20th century. Bunsod ito ng concentration ng greenhouse gas sa atmosphere—at patuloy pa rin itong tumataas.
Ayon sa mga siyentipiko, kahit bahagya lang uminit ang mundo, malaki ang impact nito sa lahat ng naninirahan dito. At nitong 2020, nasaksihan natin ang mga wildfires sa malalawak na kagubatan, mahabang tagtuyo na sumisira ng mga taniman, at malawakang pagkasira ng mga coral reef sa karagatan. At inaasahan na makakaapekto ito sa food supply at mga kabuhayan kalaunan.
Kabilang sa mga epekto ng climate change ay ang malalakas na bagyo. Sa huling bahagi ng 2020, magkasunod na bagyo ang humagupit sa bansa—Quinta, Rolly, at Ulysses—na nagpadapa sa maraming lalawigan kabilang na ang National Capital Region. Ngayong 2021, habang patuloy pa rin ang pagbabgo sa klima ng daigdig, hindi malayo maulit ang mga sakunang ito. Kaya payo ng mga eksperto at ng mga opisyal ng pamahalaan, maging alerto at maging handa sa mga posibleng sakuna.
EKONOMIYA MAKAKABAWI
Photo Credit: Ferdie Drone/Pexels
Malaking dagok sa ekonomiya ng bansa ang COVID-19 pandemic. Dahil sa mga ipinatupad na lockdown at quarantine measures, libo-libong mga negosyo ang nagsara.
Ayon sa Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority, nasa 4.5 milyong mga Pinoy ang nawalan ng trabaho nitong nagdaang taon, at sumipa sa 10.4 porsyento ang unemployment rate sa bansa—ang pinakamataas sa nakalipas na 15 taon.
Dahil dito, nangulelat ang gross domestic product (GDP) performance ng Pilipinas sa Asia. Nakapagtala ang bansa ng contraction na 10 porsyento sa unang tatlong quarters ng 2020, kumpara sa mga karatig bansa na may single-digit lang na contraction.
Sa kabila nito, nananatiling positibo ang economic team ni Pangulong Duterte na makaka-recover ang bansa ngayong 2021.
Naniniwala ang Development and Budget Coordination Committee (DBCC) na lalago ang ekonomiya ng 6.5% hanggang 7.5% ngayong 2021 sa kabila ng mga posibilidad ng quarantine restrictions.
“The projection for next year assumes that we will have a modified GCQ or a relaxed version of that for the rest of the year because clearly, we cannot go back to normal life without the vaccine,” prediksyon ni Acting Socioeconomic Planning Secretary Karl Chua.
Sa isang banda, may positibo rin na naidulot ang pandemya sa development ng digital economy ng bansa. Natuklasan ng Pinoy ang iba’t-ibang paraan ng kabuhayan, serbisyo, at trabaho gamit ang internet.
“E-commerce and digital payments have permitted business transactions to continue the goods to be delivered; online communication platforms have facilitated home-based work, virtual meetings, and remote classes; and government agencies in many countries have used online processes to quickly deliver social assistance to vulnerable households,” nakasaad sa Philippines Digital Economy Report 2020 ng World Bank.
Inaasahan na magpapatuloy ang pagyabong ng digital economy ng bansa sa ilalim ng “new normal”. Subali’t maraming mga lugar pa rin sa bansa ang walang internet access at may issue pa rin ang Pilipinas pagdating sa internet speed at presyo ng serbisyo. Kaya naman hinihimok ng mga ekonomista ang pamahalaan na gumawa ng aksyon para matugunan ang mga hamon na ito para makinabang ang lahat sa biyaya ng teknolohiya.
COVID-19 VACCINE PARATING NA
Photo Credit: Pixabay
Bago magtapos ang 2020, nakapagdevelop na ng COVID-19 vaccine ang malalaking pharmaceutical companies at sinimulan na rin ang pagbabakuna sa mga developed countries. Subali’t ang mga Pinoy ay maghihintay pa ng ilang panahon pa bago makarating sa bansa ang inaasam-asam na bakuna.
Ayon kay vaccine czar Carlito Galvez Jr., target ng Duterte admin na makakuha ng 148 million doses ng COVID-19 vaccine ngayong taon. Sa naturang dami ng doses, maaaring mabakunahan (tig dalawang shots) ang nasa 70 milyong Pinoy ngayong taon ayon kay National Task Force deputy chief implementer Vince Dizon.
Kasalukuyan ang negosasyon ng gobyerno at ng mga kumpanyang Novavax, AstraZeneca, Pfizer, Janssen Pharmaceutica, Sinovac, at Gamaleya. At umaasa si Galvez na magkakaroon na ng mga kasunduan ngayong buwan.
Nauna niyang ipinahayag na inaasahan ang pagdating ng bakuna ng Chinese company na Sinovac sa Marso. Pero naka-depende pa sa Food and Drug Administration kung magagamit agad ito dahil hindi pa rin nakapag-apply para sa emergency use authorization (EUA) ang Sinovac. At sinasabing may issue din sa efficacy rate nito na nasa 50 porsyento, na mababa kumpara sa ibang bakuna na above 90 percent ang bisa.
Gayun pa man, habang hinihintay ni Juan ang bakuna kontra COVID-19, mabuting sumunod pa rin sa mga health safety protocols gaya ng social distancing, pagsusuot ng face mask at face shield, at ang paghuhugas ng kamay.
PASIMULA NA NG ELECTION FEVER
Inaasahan na magsisimula na ang “election fever” sa bansa ngayong taon habang papalapit ng papalapit ang nakatakdang national elections sa 2020.
Sa pasimula pa lang ng 2021, nagsilutangan na ang mga pangalan ng mga posibleng kakandidato sa pagkapangulo sa isang recent survey ng Pulse Asia. Lumitaw ang mga pangalan nina Davao City Mayor at presidential daughter Sara Duterte, Senator Grace Poe, Bongbong Marcos, Manila Mayor Isko Moreno, Senador Manny Pacquiao, at Vice President Leni Robredo.
Kaya naman ngayon pa lang ay kailangan nang simulan ni Juan na suriin at kilatisin ang mga indibidwal na nagnanais mamuno sa bansa sa hinaharap. At itong kasalukuyang pandemya ay isa sa mga mahahalagang panukat sa leadership skills at sinseridad ng mga presidential aspirants at iba pang possible candidates sa iba’t-ibang pwesto sa pamahalaan.