Maituturing na isang magandang regalo ang pagkakaroon ng kapatid. Sabi nga nila ‘the more the merrier.’
Karaniwan na ang malaking pamilya sa mga Pilipino kung saan pito hanggang pataas ang bilang, kasama si Ama si Ina at limang anak. Minsan ay umaabot pa ito ng sampu.
Kaya naman lalong lumalaki ang populasyon ng Pinas.
Pero kahit ganito man, masasabi pa rin natin na masaya ang magkaroon ng isang malaking pamilya.
May mga bagay na hindi kailan man mabibili ng pera. Gaya ng pagkakaroon ng mga kapatid na makukulit at mapagmahal, responsableng ama at mapagkalingang ina. Mga alaalang hanggang sa ating pagtanda ay ating babalik balikan at hindi malilimutan.
Maging ito ay mga ala-ala ng iyong kamusmusan kung saan masaya kayong naglalaro ng iyong mga kapatid habang naliligo sa ulan, tumatakbo at naghahabulan, may mga ngiti sa labi at walang iniisip na problema.
Ikaw ano ba ang mga paborito mong gawin kasama ang iyong mga kapatid noong kayo ay mga bata pa?
Maaaring hindi malimot ang nakagawiang maglaro ng tagu-taguan at patintero sa hapon pagkatapos ng eskuwela. O kaya’t mag bahay bahayan, umakyat sa puno ng niyog, mangga, sinegwelas, santol, kaimito, duhat; o ang manghuli ng tutubi at ng gagamba, maglaro ng Dr. Kwak Kwak at marami pang iba.
Iba-iba man tayo ng ala-ala sa ating pagkabata. Iisa lang ang masasabi natin, masaya tayo dahil ginawa natin ang mga bagay na yun kasama ang ating mga kapatid.
Sa panahon ngayon, bihira mo na lang makita ang mga bata na naglalaro at nagkakasayahan gaya ng dati. Ngayong mga panahong ito, karaniwan makita ang mga batang naglalaro gamit ang cellphone.
Kaya sa mga bata ng dekada nobenta o 90s kids pababa, kaway kaway diyan dahil masasabi natin na na-enjoy natin ang ating pagkabata kasama ang ating mga kapatid, at hindi natin yun kailanman ipagpapalit sa isang cellphone lamang.
Ang koneksyon ng magkakapatid
Una. Ang pagkakaroon ng kapatid habang lumalaki ay may malaking epekto sa bata sa pakikitungo nito sa ibang tao habang siya ay lumalaki. Dahil sa pagmamahal at pag aaruga na kanyang naranasan sa kanyang mga kapatid, lalaki ang bata na marunong umunawa at gumawa ng kabutihan sa iba.
Pangalawa, dahil sa malakas na koneksyon ng magkakapatid habang sila ay lumalaki, nagkakaroon sila ng tiwala sa sarili at nagiging malakas ang kanilang loob. Maganda ang epekto nito sa kanilang emosyonal, pisikal at mental na kalagayan.
Pangatlo, dahil may mga bagay na pagtatalunan ang mga magkakapatid at hindi sa lahat ng oras sila ay magkakampi, natututo silang magpatawad at maging sensitibo sa damdamin ng iba. Ang katangiang ito ay kanilang madadala hanggang sa kanilang pagpasok sa eskwelahan at pakikipag kaibigan.
Ayon sa ginawang pag aaral ni Professor Paula Padilla Walker ng University of School and Family Life, ang pagkakaroon ng mapagmahal na kapatid ay nagtuturo sa mga bata na tumulong sa iba at alagaan ang kanilang mga sarili. Mas matindi umano ang impluwensiyang naidudulot ng isang kapatid pagdating sa usapin ng pakikipag kapwa kaysa sa kanilang mga magulang. Dahil ito sa samahan at koneksyon na meron ang mga magkakapatid.
Lumabas din sa kanilang pagsusuri na ang mapagmahal na kapatid ay mas nagpapakita ng pagbibigay sa kapwa kaysa sa mga mapagmahal na magulang. Ang pagmamahalan ng magkapatid at mabubuting mga gawa nila sa isa’t isa at sa ibang tao ay mas doble kaysa sa mga magulang.
Mga bersikulo mula sa Bibliya na ipinahayag ng Diyos kung ano ang kahalagahan ng kapatid na babae at lalaki.
- Matthew 5:23-24 kaya’t kung inihahandog mo ang iyong hain sa dambana, at doo’y maalala mo na ang iyong kapatid ay mayroong anomang laban sa iyo, iwan mo roon sa harap ng dambana ang hain mo, at yumaon ka ng iyong lakad, makipagkasundo ka muna sa iyong kapatid, at kung magkagayon ay magbalik ka at ihandog mo ang iyong hain.
Sinabi ng Panginoon na hindi tayo maka kalapit o makakapag- alay sa kanya kung hindi natin aayusin muna ang relasyon sa ating kapatid. - Ephessians 4:32 At mag magandang loob kayo sa isa’t isa, mga mahabagin, na mangagpatawaran kayo sa isa’t isa, gaya naman ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos kay Cristo.
Maging mabuti at mapagpatawad kayo sa inyong mga kapatid at sila ay patawarin kung sila ay nakagawa sa inyo ng hindi maganda kahit pa hindi nila ito hinihingi. - Proverbs 12:1 Sinomang umiibig ng kasawayan ay umiibig ng kaalaman: ngunit siyang nagtatanim sa kasawayan ay hangal.
Hindi dapat magtanim ng sama ng loob sa iyong kapatid kung ikaw ay sinasaway o pinapaalalahanan. - 1 Peter 4:10 Na ayon sa kaloob na tinanggap ng bawat isa, ay ipaglilingkod sa inyo-inyo rin, na gaya ng mabubuting katiwala ng masaganang biyaya ng Diyos.
Hindi tayo pare pareho ng talento. Maaring ang kapatid mo ay magaling sa isang bagay at ikaw naman ay hindi. Pero ibinabahagi natin kung ano man meron tayong talento at masaya tayo sa kung ano man ang kakayahan ng bawat isa.