INAMIN ni Justice Secretary Menardo Guevarra na gumaan ang kanyang pakiramdam at nahimasmasan siya nung nakita niyang nagtapos na ang mga pangyayari kaugnay sa kontrobersyang kinasangkutan ni US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.
Naniniwala naman si Guevarra na kasabay ng mga kumplikasyon sa nangyari ay nagdulot o nag-iwan naman ito ng mga aral na posibleng magamit ng bansa sa mga susunod na Visiting Forces Agreement sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.
Halimbawa na lang anya sa usapin ng criminal justice at pagpapatupad ng batas o kapangyarihan ng sinumang nakaupong pangulo ng Pilipinas, base sa Konstitusyon na magkaloob ng pardon sa isang partikular na akusado. Si Pemberton na nakapatay sa transgender woman na si Jennifer Laude noong 2014 sa isang motel sa Olongapo City ay nadeport at nakaalis na ng Pilipinas lulan ng US C-130 plane patungong Japan at may connecting flight naman na isang commercial plane hanggang sa Amerika. Pero bago siya tuluyang nakalaya o nakaalis ay dumaan muna siya sa mahaba at normal na proseso.
Nagsimula ang lahat ng kontrobersya matapos na iniutos ni Olongapo Regional Trial Court Judge Roline Ginez-Jabalde na maaari nang makalaya si Pemberton dahil napagsilbihan na anya ang minimum sentence na ipinataw ng mababang korte dahil sa kasong murder na naibaba sa homicide.
Bukod pa diyan ay nabigyan din ang Amerikanong sundalo ng GCTA o Good Conduct Time Allowance dahil sa magandang asal umano nito sa loob ng kanyang piitan o sa isang air conditioned container van sa JUSMAG facility na nasa compound ng Camp Aguinaldo sa Quezon City.
Gayunman dahil sa petisyon ng pamilya Laude at pagkontra ng ibat-ibang militanteng grupo ay muling naglabas ng kautusan si Judge Ginez-Jabalde na muling i-compute ng Bureau of Corrections ang kanyang GCTA.
Iginiit ng Laude family na hindi pa dapat palayain si Pemberton dahil walang patunay sa good conduct nito habang nakakulong lalo pa anya at nag-iisa lang siya sa custodial facility at hindi kasama ng ibang preso. Hindi rin anya sumali si Pemberton sa anumang rehabilitation activities na dapat ay sertipikado ng time allowance supervisor at wala ring katibayan ng kinakailangang recommendation mula sa Management Screening and Evaluation Committee.
Naniniwala pa nga ang pamilya ng biktima na dapat ay sa New Bilibid Prisons ito ikinulong dahil reclusion perpetua ang hatol ng hukuman, pero idinepensa naman ng ilang mga opisyal na nakasaad daw iyon sa probisyon ng VFA. Pero hindi pa man nasisimulan ng BuCor ang re-computation sa GCTA ay biglang naglabas ng kautusan si Pangulong Rodrigo Roa Duterte at ginawaran ng absolute pardon si Pemberton, na ikinagulat ng marami.
Bagamat may kapangyarihan ang pangulo na magpalaya ng preso tulad ng conditional pardon, absolute pardon, parole at executive clemency, base sa itinatakda sa 1987 Constitution ay umani pa rin ito ng batikos at pagkondena, bukod pa sa kinuwestyon pa ito sa Kamara de Representantes.
Sumugod pa nga at nagdaos ng indignation rally sa harap ng Department of Justice ang grupong LGBTQI+ community sa pangunguna ng grupong Bahaghari at mga kaalyadong grupo bilang pagkondena sa naunang desisyon ng Olongapo Regional Trial Court branch 74 at sa utos ni Pangulong Digong.
Ang maagang pagpapalaya raw kay Pemberton ay kawalan ng hustisya para sa pamilya ng biktima at sa buong sambayanang Pilipino.
Kasabay naman nito ay naglabas ng pahayag ang DoJ na maaari pa rin daw makabalik o makapasok muli sa Pilipinas si Pemberton kapag nakalaya at nakabalik na siya sa Estados Unidos dahil absolute ang iginawad na pardon ni Pangulong Duterte.
Nakasaad naman anya sa batas na kaakibat ng pagtanggap ng absolute pardon na tinanggal o binura na ang pananagutang kriminal ng isang akusado at ibinabalik din ang kanyang civil at political rights at right to travel o malayang makabiyahe lalo na kung wala naman siya sa blacklist ng Bureau of Immigration.
Pero kasabay ng deportation process ay inilagay na ng immigration sa blacklist order si Pemberton, ibig sabihin ay banned from entering the Philippines na siya. Paliwanag naman ni Immigration Deputy Spokesman Melvin Mabulac na ang paglalagay sa blacklist ng isang dayuhan ay base sa Philippine Immigration Act of 1940 at ito aniya ay standard operating procedure naman para sa sinumang dayuhan na may conviction na gaya ng kasong pagpatay.
Kung susundin anya ang Immigration laws ng Pilipinas, bukod sa kailangang physically ay wala na dapat sa partikular na bansa ang isang convicted na dayuhan kapag nailagay na siya sa blacklist order ng Immigration.
Ang reaksyon naman ng ilang legal luminaries at mga observers ay kahit hindi raw blacklisted ay imposible naman daw para kay Pemberton na magbalak pa na bumalik sa Pilipinas dahil tiyak anila na magbabalik lang sa kanyang alaala ang naging mapait at madilim na karanasan niya sa pananatili sa Pinas kaya imposible raw na magbalik pa ito.
Matapos namang nakaalis si Pemberton ay sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na nangako raw sa kanya ang US Department na pagbalik ni Pemberton sa Amerika ay agad itong mahaharap sa court martial. Sa nasabing proseso matutukoy kung mananatili pa rin bang sundalo si Pemberton o kung papatawan ba ng honorable discharge o tatanggalin na sa serbisyo o magiging ordinaryong mamamayan na lang siya kapag napatunayan na may nilabag siyang probisyon sa patakaran ng US Marine bilang kalahok sa VFA sa pagitan ng Amerika at Pilipinas.
Tanong ngayon ni Juan dela Cruz at iba pa, totoo raw ba na ang kapalit ng iginawad na absolute pardon kay Pemberton ay ang anti COVID-19 vaccine mula sa Amerika?