Umani ng positibong papuri sa mga netizens ang Bike Lane Project ng gobyernong lokal ng Angono, Rizal, kabilang dito ang mga siklista o mga indibidwal na may mga miyembro ng pamilya na nagbibisikleta.
Ayon sa isang netizen na pinangalanang Myra De Leon, nagpasalamat ito sa naturang proyekto, kung saan para sa kanya ito ay isang kahilingang natugon.
Kaugnay nito ay umapela sa mga motorista si Vice Mayor Calderon, na siyang program director ng proyektong “Serbisyong May Puso Special Action Group.”
Si Calderon din ang namuno sa pagbuo ng naturang proyekto at may pakiusap ito sa mga motorista na huwag harangan ang bicycle lane, at sa mga siklista naman ay huwag umano okupahin ang ibang lanes upang maiwasan ang aksidente. Sinabi ng gobyernong lokal na may mga nagtatrabahong kailangang mag-commute sa ibang probinsya, habang ang iba naman ay papuntang Metro Manila. Dahil umano sa limitado ang pampublikong sasakyan gaya ng jeep at bus, may ibang napipilitang gumamit ng bisikleta para lamang makarating sa kanilang pinagtatrabahuan.